Alamin ang mga tips sa pamimili ngayong Pasko

Karamihan sa ating mga Pilipino ay nahihirapang makabangon tuwing Enero at Pebrero sa kadahilanang napagastos tayo tuwing Pasko at Bagong Taon. Nariyan ang pagbabayad ng Credit Card at iba’t-ibang pinagkakautangan. Para makaiwas sa ganitong suliranin, makabubuti kung tayo ay mag-budget sa pamimili ngayong Pasko.

Usung-uso pagdating sa kapaskuhan ang last-minute shopping dahil sa busy ang karamihan tuwing sasapit ang Disyembre. Nariyan ang napakaraming kailangang tapusin sa trabaho at tambak na deadline. Kaya nga naman pagdating ng maiksing bakasyon, doon lamang tayo nagkakaroon ng oras sa pagsa-shopping.

Narito ang ilan sa mga paraan kung paano maging Stress-Free ang pamimili ngayong Pasko:

1. Gumawa ng Shopping List

Ilista ang mga taong pagreregaluhan at makakasama sa handaan. Makabubuti kung alam mo ang mga bibigyan mo ng regalo para makapag-budget ka. Huwag kang matakot magtipid at isiping baka magtampo ang hindi mo mabibigyan. Simulan mo muna sa pamilya mo, at mga malalapit na kaibigan.

2. Limitahan ang Pag-gastos

Marami ang gumagastos ng malaki para sa pagbibigay ng regalo dahil gusto nilang ibigay ang “The Best” para sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at mga inaanak. Kailangan mo bang gumastos ng Php 1000 para sa bawat isa? Syempre hindi.

Pag-isipan mo muna kung magkano ang gagastusin mo para sa lahat ng regalo. Halimbawa, gagastos ka ng Php 5000 para sa mga regalo, Php 2000 para sa mga dekorasyon, at Php 3000 para sa handaan. Ngayon hati-hatiin mo ang limanlibo para sa mga pagbibigyan mo.

Tandaan, hindi mahalaga kung magkano ang gagastusin mo para sa isang regalo. Ang importante ay ang thought na naisipan mo silang bigyan. Mas maganda kung regaluhan mo sila ng mga hand-made na bagay dahil walang ibang hihigit sa bagay na pinaghirapan.

3. Iwasang gumamit ng Credit Card

Nakatutulong ang Credit Card pero pagdating ngayong Pasko ay iwasan itong gamitin. Dahil dito, maaari kang lumampas sa budget mo.

Gamitin mo ang Cash budget mo – pasasalamatan mo ang sarili mo sa Enero dahil wala kang babayarang utang.

4. Mag-shopping Online

Isa sa paraan kung paano ka makakatipid ngayong Pasko ay ang pamimili online. Kapag kasi lumabas ka pa ay gagastos ka sa pamasahe, sa pagkain at maraming mga distraction. Samantala kung bibili ka sa Shopee o Lazada, shipping fee lang ang babayaran mo, minsan ay Free shipping pa.

5. Wag magsama sa Pamimili

Kung mag-isa ka lang mamimili, mas makakatipid ka. Lalo na kung meron kang kaibigan na hindi marunong humawak ng pera. Baka makumbinsi kang bumili ng mga bagay na hindi mo naman kailangan at hindi kasama sa budget mo.

Iwasan mo ring magsama ng bata dahil baka magturo ng kung anu-ano. Syempre, isa kang mabuting tao at hindi mo namamalayang napapagastos ka na pala.

6. Wag mag-Panic Buying

Ngayong Disyembre, kabi-kabila na naman ang mga Sale at malamang matutukso kang bilhin ang mga bagay na gustung-gusto mo.

Tandaan mo, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at hindi para sa sarili mo lang. Ilista mo ang mga bagay na gustung-gusto mo at hilingin mo sa mga kaibigan at kamag-anak mo. Kung wala naman ay itabi mo na lang ang listahan at bilhin mo na lang pagkatapos ng Pasko. Magse-Sale naman ulit yan.

7. Abusuhin ang Sale sa Palengke at Mall

Wag kang mahihiyang tumawad sa palengke para mamili ng mga bagay na ipang-reregalo mo. Wag masyadong maging galante sa mga tindero’t tindera. Lahat naman tayo ay nagtatrabaho at kahit anupaman meron nang tubo ang bawat tinitinda nila. Baka magulat ka na lang, mas mura pala sa iba.

Sa Mall naman, pumunta ka doon sa mga may Sale. Guilty ako dito, lalo na kung 75% discount. Pilitin mong pagkasyahin ang budget mo at wag kang lalampas rito.

8. Wag masyadong magpabilog sa ka-Cute-an ng mga bata

Ilan ba ang kayang laruin ng bata sa isang upuan? Tama ka, isa.

Narito ang mga dapat tandaan para sa pamimili para sa iyong inaanak o pamangkin:

  • kagustuhan
  • kailangan
  • masusuot
  • mababasang libro

9. Combined Gifts

Isa pang paraan para makatipid ay ang pagbibigay ng regalo na marami ang makikinabang. Halimbawa, meron kang inaanak na may mga kapatid na babae. Imbes na bilhan mo sila ng tig-iisang manika, bilhan mo sila ng isang set o Doll House. Matutunan pa nilang mag-share at makipag-laro sa isa’t-isa.

  • Para sa mga bata – video games, board games (monopoly, snakes & ladders, dominoes, scrabble, etc.)
  • Para sa mag-asawa o magkasintahan – Ice Skating, Star City, o iba pang experience
  • Para sa mga magulang – Family Portrait, ticket sa isang palabas

10. Magbalot ng regalo

Bumili ka ng gift wrapper at balutin mo bawat isang item. Mas matutuwa ang pagbibigyan mo kung higit sa isa ang bubuksan nilang regalo kesa pagsama-samahin mo sila sa isang box. Iwasan mo ring bumili nung mga ready-made na paper bag kasi may kamahalan yun. Mas maganda kung pahihirapan mo silang magbukas. Mas mararamdaman nila ang kapaskuhan.

Ang pagba-budget ngayong Pasko ay iwas Stress

Nakaka-stress talaga ang pamimili ngayong pasko dahil sa dami ng ating pagbibigyan ng regalo, pagdedekorasyon at paghahanda. Para maiwasan ang mga bayarin sa susunod na buwan, pilitin mong huwag gumamit ng Credit Card. Baka kasi December 2019 na ay hindi ka pa tapos sa mga hinuhulugan mo. Gawing makabuluhan ang Kapaskuhan at damhin ito kasama ang iyong mga mahal sa buhay.

Regaluhan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng magandang simula sa taong 2019 na wala kang babayarang utang at mataba ang iyong pitaka!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *