Sa atin ang Sabah!

Mula pa noong 1675, pag-aari na ang North Borneo (Sabah para sa mga Malaysian) ng Sultanato ng Sulu.

Noong 1878, pinaupahan ng sultanato ang North Borneo sa British North Borneo Company (BNBC), isang negosyanteng Briton.

Malaki ang pakinabang ng North Borneo para sa pambansang interes ng Britanya dahil malapit ito sa Malaya, isang British colony, na naging ganap na malayang bansa at tinawag na Federation of Malaysia noong 1963.

Nagsimula lang ang problema noong 1946 nang “ibenta” ng BNBC ang North Borneo sa British government. Walang bisa ang “pagbenta” na ito dahil hindi naman kailanman naging pag-aari ng BNBC ang North Borneo. Nangupahan lang sila.

Sa kasamaang palad, mas lumala ang problema ng “idinonate” ng mga Briton ang North Borneo sa bagong tatag na bansa na Malaysia noong 1963. Wala ring bisa ang “donasyon” na ito, dahil katulad nga ng nabanggit, walang bisa ang “sale” ng North Borneo ng BNBC sa British government.

Sa totoo lang, nagkamali ang British government nang i-donate nila ang North Borneo sa Malaysia. Iyon ay dahil dalawang beses na silang pinaalalahanan ng Estados Unidos (1906 at 1920) na pag-aari ng Sultanato ng Sulu ang North Borneo.

Noong 1962, napagtanto ng Sultanato ng Sulu na maaaring ibigay ng British government sa nalalapit noong paglaya ng Malaysia mula sa mga Briton ang North Borneo sa Malaysia.

Dahil dito, napagdesisyunan ng sultanato na humingi ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas, na noon ay pinamumunuan ni Pangulong Diosdado Macapagal.

Sa taon ding iyon ay pumirma ng kasunduan ang sultanato at ang gobyerno ng Pilipinas. Sa kasunduang iyon, inilagay ang North Borneo (Sabah) sa ilalim ng soberanya ng Republika ng Pilipinas.

Bago ito, matagal nang isinusulong ni Macapagal na hindi pag-aari ng mga Briton ang North Borneo mula pa noong 1950s noong miyembro pa lamang siya ng Kongreso.

Magkagayunman, nakasaad rin sa 1962 agreement na maaaring bawiin ng pamilya Kiram ng Sultanato ng Sulu ang soberanya sa North Borneo kung hindi igigiit ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-angkin nito sa nasabing pinagtatalunang teritoryo.

Sa kaniyang term bilang pangulo, ipinaglaban ni Macapagal ang claim ng Pilipinas sa Sabah sa pamamagitan ng diplomasya. Kabilang sa mga lantarang sumusuporta rito ay sina noo’y Vice President Emmanuel Pelaez at noo’y Senador Jovito Salonga.

Ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos ang pagbawi ng Pilipinas sa Sabah. Noong 1967, binuo ni Marcos ang Project Merdeka, isang military operation upang ayusin ang sitwasyon sa North Borneo at bawiin ito mula sa Malaysia. Nasira ang planong ito nang ilantad ni Senador Benigno Aquino Jr. sa isang talumpati sa Senado.

Magkagayunman, naisabatas ang Republic Act 5446 noong 1968 sa ilalim ng administrasyong Marcos, kung saan dineklara na ang North Borneo ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Malinaw na nakasaad sa 1973 Constitution na kabilang ang lahat ng kalupaan sa bansa sa teritoryo ng Pilipinas “by historic right and legal title.” Pinagtibay nito ang paglaban ng Pilipinas na teritoryo ng bansa ang Sabah.

Samantala, sinabi ng secretary-general ng Sultanato ng Sulu na si Abraham Idjirani na “private” matter na umano ang pag-angkin sa Sabah. Sinabi niya na noong February 12, 1989, naglabas ang sultanato ng resolusyon na nagpapawalang-bisa sa napagkasunduan noong 1962 na paglipat ng soberanya ng Sabah sa Pilipinas.

Isang dahilan sa pagbawi na binanggit ni Idjirani ay ang pagkabigo ng 1987 Constitution, na isinulat ng mga appointee ni President Corazon Aquino, na isama ang Sabah sa definition at delineation ng pambansang teritoryo ng Pilipinas.

Ang dahilan na ito ay hindi mapagkakatiwalaan alinsunod sa batas.

Sa Magallona vs Ermita (GR 187167, 16 August 2011), nagpasya ang Korte Suprema na sa kabila ng mga salitang ginamit sa 1987 Constitution at mga umiiral na batas, hindi kailanman tinalikuran ng Pilipinas ang pag-angkin nito sa Sabah.

Hindi rin maipapayo para sa sultanato na igiit na ang pag-angkin ng Sabah ay naging isang private pursuit.

Naniniwala ang mga eksperto sa international law na malayong matapos agad ang isyu sa Sabah, at maaaring kailanganin ng Malaysia na ipagtanggol muli ang gumuho nitong claim sa North Borneo sa harap ng International Court of Justice (ICJ).

Magdudulot ito ng problema para sa sultanato dahil ang mga kinikilalang soberanong estado at diplomatikong organisasyon lamang ang maaaring maging partido sa mga kasong isinampa sa ICJ.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *