Robin Padilla, umatras sa pagtakbong governor

Tinuldukan na ni Robin Padilla ang mga usapin tungkol sa posibilidad na pagpasok niya sa mundo ng politika.

Pagdidiin ni Binoe, wala siyang planong tumakbo sa kahit anong posisyon sa darating na Eleksyon 2022.

Ayon kay Binoe, hindi raw niya kaya ang P150 milyon na panggastos para sa kampanya kung tatakbo siya bilang gobernador ng Camarines Norte sa Bicol Region.

Bukod sa pagiging gobernador ay lumutang din ang pangalan ni Robin na isa sa possible candidates na kasama sa PDP-Laban kung saan magiging katiket din daw niya sina Willie Revillame at Raffy Tulfo na inaanyayahan din ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa part 1 ng vlog nina Robin at Mariel Rodriguez na in-upload sa kanilang YouTube channel ay napag-usapan din nila ang politika.

Dito nabanggit ng aktor na may pangako siya sa kaniyang mga kababayan sa Bicol, pero nang malaman niya ang laki ng halagang magagastos ay uatras siya.

Tanong ni Mariel sa kaniya, “Maraming may gustong mag-politics ka, what is stopping you?”

Sagot naman ni Binoe, “Ang nangyari naman ngayong darating na 2022, kinonsider ko ‘yan, alam mo ‘yan, nu’ng nag-usap tayo, gusto ko nga sa Bicol.

“Kasi ang nasa isip ko 10 million o 20 million (magagastos), siguro kaya naman kitang utangan no’n? Kasi meron ka namang naitago, eh. Hindi naman ako naniniwala na ginastos mo lahat (sa pagsa-shopping) sa bag.”

Bulalas ni Mariel, “Yes and para i-clear natin sa kanila (publiko), ‘yung pera ko, pera ko, ‘yung pera mo, pera mo. Pero siya ang nagbibigay ‘yung para sa amin dito sa bahay (bills, pasuweldo sa mga kasama sa bahay at pagkain).

“Pero ‘yung mga luho ko, mga damit na binibili kong mamahalin para sa mga anak ko, basta anything luxury, anything out of the necessity, sa akin ‘yun galing.

“Kasi sinasabi nila (publiko) inuubos ko raw ‘yung pera mo! ‘Yung mga kalokohan ko, akin ‘yun ‘no, hello!” diin ni Mariel.

Sumang-ayon naman si Robin sa sinabi ni Mariel na hindi nito ginagalaw o inuubos ang pera niya.

Hirit pa ni Mariel, “Masipag po ako!”

At nang bumalik ang usapan sa politika, kuwento ni Robin, “Ang sabi sa akin 150 million! Sabi ko, ‘Ha? For local government, governor?’ At ‘yun pa raw ang pinakamaliit (na gastos).

“Sabi ko, e, teka muna. Kung magbebenta kami ng ari-arian para pondohan ‘yung pagkandidato na ‘yun at sabihin na nating nanalo ka…”

Banat naman ni Mariel, “Ganito, ako na ang magsasabi, mapipilitan ka talagang maging corrupt (kasi) babawiin mo ‘yung bahay mo, eh (tawa nang tawa si Robin).

“Alangang pumayag na lang ako na ibenta mo ang mga ari-arian natin, tapos nawala na lahat dahil ikinampanya natin, siyempre kailangan bumalik ‘yun at doon papasok ang corruption!”

At ang huling pahayag ni Binoe, “Kaya nagdesisyon talaga ako na hindi talaga (ako papasok sa politika).

“Kaya ‘yung mga kababayan po natin sa Camarines Norte, patawarin n’yo po ako, hindi na po kaya.

“Gusto kong magala ng pagbabago sa inyo, dapat umpisa pa lang. Pagpasok ko pa lang, pagbabago na kaagad, hindi ‘yung mangangako ako na ganito-ganiyan, kasi bola na ‘yan.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *