Pagsibak sa 4 cameraman ng ABS-CBN, illegal ayon sa Korte Suprema

Kinatigan ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na ang pagsibak sa trabaho ng apat na cameraman ng ABS-CBN Corporation noong 2003 ay illegal.

Sa isang 22-page decision na inilabas nito lang Lunes, dineny ng SC First Division ang petition for review na inihain ng ABS-CBN laban sa 2011 CA decision na pumabor sa mga cameraman.

Binaliktad ng CA at isinantabi na ang resolusyong inisyu ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa pagbasura nito ng mga reklamo ng mga cameraman na sina Kessler Tajanlangit, Vladimir Martin, Herbie Medina, at Juan Paulo.

Ayon sa Court of Appeals, hindi makatao at illegal ang pagsibak sa mga complainant.

Sa desisyon nito na sinuportahan ng Korte Suprema, ipinag-utos ng Court of Appeals sa ABS-CBN na i-reinstate sa lalong madaling panahon ang apat sa dati nilang posisyon at hindi dapat alisan ng seniority rights, dapat ding bayaran ang back wages a lahat ng iba pang statutory monetary benefits mula sa panahon na sila ay na-dismiss hanggang sa panahon na sila ay mare-reinstate.

Gayunpaman, hindi nabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN noong 2020 kaya maaaring wala nang mabalikang trabaho ang mga complainant.

Iginiit ng ABS-CBN na ang mga complainant ay independent contractors lamang at kinukuha lamang ng mga producer ang kanilang serbisyo para sa ilang piling programa ng network.

Dagdag pa ng ABS-CBN, damay lang ang mga cameraman sa pagkakansela ng mga programang kanilang kinabibilangan.

Ayon naman sa Court of Appeals, bigong magpresenta ang kumpanya ng mga ebidensya na magpapatunay na naka-kontrata lamang ang mga cameraman mula 2003 to 2005 hanggang sa pagpa-file ng reklamo sa NLRC noong 2010.

Sinubukan ng ABS-CBN na papirmahin ng employment contract ang mga complainant noong 2011, ngunit tumanggi sila dahil sa nakabinbing labor dispute.

Saad din ng appellate court na ang prinisenta lamang ng ABS-CBN ay ang kanilang Article of Incorporation, legislative franchise, payslips, at ang mga affidavit ng ibang workers na late naisumite.

Idineklara ng Court of Appeals na hindi sapat ang mga ibinigay ng ABS-CBN Corporation para patunayang independent contractors ang mga respondent at hindi rin nito na-rebut ang mga ebidensyang isinumite ng mga respondent para patunayan ang kanilang employment.

Sinabi ng Korte Suprema na tama na kinunsidera ng Court of Appeals ang mga ebidensyang ibinigay ng mga cameraman sa NLRC kabilang ang identification cards, income tax returns, payslips, memoranda issued to discipline na katulad sa ibang empleyado, work schedules issued by petitioner, at mga dokumento mula sa Social Security Service, PhilHealth, at Pag-IBIG upang patunayan ang pag-iral ng employer-employee relationship ng mga cameraman sa petitioner.

Napatunayan ng Court of Appeals na nakagawa ng grave abuse of discretion ang NLRC sa desisyon nitong walang umiral na employer-employee relationship, at sa lantaran nitong pagbalewala sa substantial evidence na isinumite sa kanila na magpapatunay na ang mga respondent nga ay totoong empleyado ng kumpanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *