Noli de Castro, wala pang paramdam kung tuloy na sa TV5

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa marami kung babalik si Kabayan Noli de Castro sa bakuran ng ABS-CBN o sa TV5.

Nang mag-resign kasi sa ABS-CBN si Noli para muling kumandidato sa pagka-senador ay nagkaroon ng balasahan sa loob ng news and current affairs department ng ABS-CBN.

Hinugot si Karen Davila mula sa The World Tonight nila ni Tony Velasquez para maging kapalit si Noli sa TV Patrol habang ang field reporter na si Pia Gutierrez naman ang inilagay sa puwesto ni Karen sa The World Tonight.

At ang sabi-sabi ay mas prayoridad na raw ngayon ng ABS-CBN news department ang mga mas batang news anchors kaya parang nawalan na ng spot para kay Kabayan Noli.

Ngayong hindi na matutuloy si Kabayan Noli sa kaniyang kandidatura, makakabalik ba siyang muli sa Kapamilya Channel o tuluyan nang lilipat sa TV5 News para palitan ang naiwang programs ni Raffy Tulfo? Tuloy kasi si Raffy sa pagtakbo pagka-senador.

Lumulutang ang balita na lilipat umano si Kabayan Noli sa news department ng TV5 kung saan si Luchi Cruz-Valdez ang head.

Sa ngayon ay wala pang movement sa pagitan ni Kabayan Noli, ABS-CBN, at maging ang TV5.

O baka naman mas prefer ni Kabayan Noli sa GMA-7 dahil mas malawak ang audience reach nito? Interesado naman kaya ang Kapuso Network sa kaniya?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *