“I-acknowlege ni Bongbong kung mayroong kamalian na nagawa ang kaniyang tatay” — Bato Dela Rosa

Sinabi ni Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDB-Laban) standard bearer at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Martes, Oktubre 19, na dapat daw i-acknowlege sa publiko ng kaniyang fellow presidential bet na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga kamaliang nagawa ng kaniyang tatay.

Ayon kay Dela Rosa na kung nangyari umano sa kaniya iyon, personal siyang hihingi ng paumanhin sa pagkakamali ng kaniyang tatay, na para sa kaniya ay hindi naman daw mahirap gawin.

Kasalanan ng ama, hindi kasalanan ng anak

“Siguro, i-acknowledge niya kung mayroong mga kamalian na nagawa ang kaniyang tatay. But, hindi siya mag-apologize doon sa nagawa ng tatay niya,” ani Dela Rosa sa panayam sa kaniya sa Headstart ng ANC.

“Kung ako, mag-a-apologize ako. Para sa akin, but I don’t want to ascribe my own standards to Bongbong Marcos. Fair lang tayo, kasalanan ng ama, hindi kasalanan ng anak.

“Pero kung nangyari sa akin ‘yan, nagkasala ‘yung tatay ko, wala namang problema kung mag-apologize ako. Madali lang naman gawin.”

Si Marcos, anak ng namayapang Ferdinand Marcos, Sr., ay isa sa mga tatakbo sa pagka-presidente sa darating na May 2022 elections.

Binatikos ng mga kritiko ang hakbang na ito ni Marcos at pilit na hinihingan ng public apology para sa human rights violations umano na nagawa ng administrasyon noong panahon ng Batas Militar at pagkamal umano ng bilyong ill-gotten wealth.

Sinabi rin ni Dela Rosa na kung totoo ngang may ill-gotten wealth na nakuha ang Pamilya Marcos ay dapat lang umano itong ibalik sa taumbayan.

Dumaing naman si Dela Rosa dahil sa mahabang panahon na raw ang isyu sa ill-gotten wealth pero hanggang ngayon ay hindi pa raw pala tapos.

“Bakit ba tayo humantong sa ganito? 1986 pa ‘yan, hindi pa pala tapos? Gaano ba kalaki ‘yang ill-gotten wealth na ‘yan? Akala ko tapos na ‘yan. Napakatagal na panahon na ‘yan,” sabi ng mambabatas.

Hindi taga-halili kay Sara Duterte

Samantala, kinwestyon ng mga kritiko ang layunin ng senador sa pagtakbo nito sa pagka-pangulo sa darating na May 2022 elections.

“Who are you to judge my intentions?” buwelta ng presidential aspirant sa kaniyang mga kritiko.

“The mere fact that I filed my COC (certificate of candidacy) is an overt manifestation of my clear intention to be the president of this Republic.”

Nauna nang isinapubliko ni Dela Rosa na natanggap niya ang instruction mula sa Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDB-Laban) na mag-file ng COC ilang oras lang bago ang deadline na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) noong October 8.

Tatakbo ang senador bilang standard bearer ng PDP-Laban faction na pinamamahalaan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, katuwang ang kaniyang running mate na si Sen. Christopher “Bong” Go.

“Kinekwestyon nila ‘yung aking bona fide intention to run for president dahil nga wala akong preparasyon. Yes, totoo ‘yan, hindi ako nag-prepare pero ang intention ay malaking debate ‘yan, hindi ako abogado pero very debatable issue ‘yan,” sabi ng dating chief ng Philippine National Police (PNP).

Inulit rin din ni Dela Rosa na hindi siya inutusan ng PDP-Laban na mag-file ng kaniyang COC para maging placeholder para kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Nauna namang sinabi ni Dela Rosa na handa siyang mag-give way sa presidential daughter sakaling mag-desisyon itong tumakbo sa pagka-Pangulo sa paparating na halalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *