EDSA Carousel ‘libreng sakay’ extended; Libreng sakay para sa mga estudyante sa MRT-3, LRT-2, PNR, aprubado na!

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Biyernes, Hulyo 1, ang extension ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel at libreng sakay para sa mga mag-aaral sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3), Light Rail Transit-2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).

“Considering the availability of budget for Service Contracting under GA 2022, the undersigned recommends the continuation of the Libreng Sakay Program for all passengers of the ESDA Bus Carousel,” bahagi ng nakasaad sa memo ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ng DOTr na ang hakbang na ito ay para mapagaan ang pasanin ng pamilyang Pilipino dahil sa tumataas na gastusin sa pamumuhay at tulungan silang makatipid sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.

Samantala, ang mga mag-aaral ay maaari ring maka-avail ng mga libreng sakay sa MRT-3, LRT-2, at PNR habang unti-unti nang bumabalik ang face-to-face classes pagkalipas ng mahigit dalawang taon.

Sa pagbanggit sa datos ng Department of Education, tinataya ng DOTr na mahigit 38,000 paaralan sa bansa ang nakatakda na para sa pagpapatuloy ng face-to-face classes para sa school year 2022-2023.

“Considering the welfare of students, however, whose learning outcomes have been disproportionately affected by the pandemic, the undersigned recommends implementing a Libreng Sakay for Students Program for the First Quarter of School Year 2022-2023, or from August 2022 to 04 November,” sabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista.

Ang pinalawig na libreng sakay ng EDSA Carousel bus ay tatagal hanggang Disyembre.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *