‘Di pa pala extinct: Philippine Sambar, muling nasilayan!

Pinapaniwalaang na-extinct o naubos na ang Philippine Sambar, o Marinduque brown deer sa naturang lalawigan mula pa noong 1990s.

Pero ngayon, muling namataan ang nabanggit na uri ng usa sa kabundukan ng Marinduque.

Ayon sa mga residente, nakita nila ang usa nang magawi ang hayop sa kanilang taniman sa kabundukan.

Ayon naman ka Dr. Jose M. Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, inakalang na-extinct na sa lalawigan ang naturang uri ng usa kaya nakikiusap siya sa mga tao na huwag itong gagalawin at papatayin.

“Mula kalagitnaan ng 1990s hanggang sa huling bahagi ng 1990s, napaulat na extinct na raw ‘yung ganiyang uri ng hayop dito sa Marinduque,” ani Victoria.

“Iyan ay pagpapatunay na ‘yung hinala nila na extinct na ‘yung usa dito sa Marinduque ay kabaliktaran,” dagdag niya.

Pakiusap naman ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team sa mga residente na huwag huhulihin o sasaktan ang naturang hayop at bugawin lang ang mga ito papalayo kapag nasa kanilang taniman.

Hindi rin inirerekomenda na hulihin ang mga ito at ilipat sa ibang lugar dahil liliit daw ang chance nitong mabuhay kapag inalis sa natural nilang tirahan.

Paliwanag ni Victoria, “Kung maaari bugawin na lang. Hindi naman ina-advise na ‘yung mga ganoong uri ng hayop ay hulihin at i-relocate. Kasi ‘yon ‘yung kanilang natural na pamahayan. Kung huhulihin sila, lumiliit ‘yung tiyansa na mag-survive sila sa paglilipatan.”

Nagkausap na ang DENR at ang lokal na pamahalaan upang masusing mapag-aralan ang lugar para mas mapangalagaan ang mga usa sa kabundukan ng Marinduque.

Ayon sa ilang concerned citizens, may mga nanghuhuli umano ng Philippine Sambar sa ibang barangay kahit sakop ito ng wildlife sanctuary.

Kaya panawagan ni Victoria sa publikko na huwag hulihin o patayin ang anumang wildlife na makikita sa kabundukan ng Marinduque katulad ng nasabing mga usa, maging ang mga baboy ramo at mga hindi pangkaraniwang ibon gaya ng kalaw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *