Xian Lim, nakalinya na ang proyekto sa GMA

Hindi pa man pumipirma ng kontrata sa Kapuso network ang aktor na si xian Lim, pero isang buwan nang usap-usapan ang tungkol sa inaasahang paglipat niya sa GMA-7.

Napaulat nang makakatambal ni Xian si Jennylyn Mercado sa upcoming drama series na may working title na Love. Die. Repeat.

Kasado na ang lock-in taping para sa programa sa darating na August 15.

Samantala, bago siya sumabak sa teleserye nila ni Jennylyn, mapapanood muna ang aktor bilang host sa grand coronation night ng Miss World Philippines 2021.

Gaganapin ang pageant sa grand ballroom ng Okada Manila sa July 25, Linggo, at eere ito sa GMA-7.

Ang ALV talents na sina RJ Ledesma, Winwyn Marquez, Alyssa Muhlach, at Thia Thomalla ang mga co-host ni Xian sa coronation night ng nasabing beauty pageant.

Hindi ito ang unang pagkakataong makakatrabaho ni Xian si Winwyn sa isang beauty pageant, dahil nagkasama na ang dalawa bilang hurado ng Miss BNP International sa Las Vegas, Nevada noong April 2018.

Nadiskubre ang galing ni Xian bilang pageant host nang mapili siyang emcee ng 49th Binibining Pilipinas noong April 15, 2012.

Mula noon, sunud-sunod na ang mga hosting job ni Xian kabilang na ang Miss Grand International 2017 na idinaos sa Vietnam noong October 25, 2017, at Miss Grand International 2018 na ginanap sa Myanmar noong October 25, 2018.

Samantala, wala pang update kung pipirma si Xian ng network contract sa GMA o mananatiling project-based. Siya pa rin kasi ang napiling mag-host ng second season ng 1000 Heartbeats: Pintig Pinoy sa TV5.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *