Willie Revillame, gustong bumalik sa GMA Network?

Gaano katotoo ang bali-balitang nagsisisi raw si Wowowin host Willie Revillame sa hindi pag-renew ng kaniyang kontrata at pag-alis sa GMA Network noong Pebrero?

Batay mula sa ulat ng ‘Bilyonaryo,’ tila napasubo umano si Revillame nang umalis ito sa Kapuso Network para lumipat umano sa bagong TV network na sinisimulang itaguyod ng bilyonaryo at dating senador na si Manny Villar, ang Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS).

Ang AMBS ang ginawaran ng National Telecommunications Commission (NTC) ng Channel 2 frequency na dating ginagamit ng ABS-CBN.

Ayon pa sa mga kumakalat na balita, nagpadala umano ng mensahe si Revillame sa dati niyang boss na si GMA chairman at chief executive officer Felipe Gozon para makabalik sa pinakamalaking network ngayon sa bansa na may prangkisa.

Medyo nangangapa pa umano ang AMBS sa ilang mahahalagang aspet ng pagpapatakbo ng isang TV network. Wala pa umano itong transmitter. Balak din daw sana nitong bilhin ang transmitter ng mga Lopez (may-ari ng ABS-CBN) subalit naibenta na raw ito sa TV5 at Globe.

Naiiinip na raw si Willie kaya habang naghihintay umano sa pagbubukas ng AMBS, kasalukuyang napapanood ang Wowowin sa Facebook at YouTube.

Noong March 24, ibinalita ni Revillame ang pinagdaraanan niya ngayon hinggil sa kaniyang kalusugan.

Malalaman ngayong linggo kung cancerous ba ang polyps na natagpuan sa kaniya ng mga espesiyalista, nang magpa-checkup siya.

Kapag wala raw siya sa Lunes, March 28, malamang ay naka-confine na raw siya. Pero abiso niya, hindi siya mananahimik at magbibigay naman ng update tungkol sa kaniyang health condition.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *