Walang lusot: NTC, may babala sa TV networks ukol sa blocktime deals at mergers

Hindi maaaring basta pumasok sa blocktime deals at mergers ang anumang TV network at radio station ayon sa memorandum na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC).

Pirmado ang memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba noong June 23, 2022, kung saan nakasaad na hindi maaaring lumampas sa 50 percent ang daily airtime na maaaring ibenta ng TV network sa isang independent blocktimer.

Nagbabala ang NTC na kasamang pananagutin ang istasyon sa anumang “violation” ng blocktimer na katransaksyon nito.

Sa mandato ng NTC, ipinagbabawal sa TV networks at radio stations na pumasok sa mergers at acquisitions o anumang partnership sa kumpanya na may “outstanding obligations” sa national government at mga local government unit.

Kabilang dito ang pag-transfer ng NTC-regulated equipment para sa mga broadcast operation na may legislative franchise.

Nakatakdang magkaroon ng public hearings sa July 11, 2022 ukol sa dalawang memo na ito ng NTC.

Ayon naman sa ulat ng bilyonaryo.com, isang source ang nagsabing may kinalaman umano ang mandato ng NTC tungkol sa blocktime agreements sa isyung naungkat sa Congressional hearings para sa franchise renewal application noon ng ABS-CBN.

Habang ang memorandum naman ng NTC tungkol sa merger ay hinihinalang posibleng may kinalaman sa bali-balitang may ongoing merger talks ang Lopez-owned na ABS-CBN at ang TV5 na pag-aari naman ni Manny V. Pangilinan.

“They are still discussing who between MVP or the Lopezes will take the lead, but everything’s all set. It’s a win-win arrangement — TV5 gets the creative power it has beenn lacking for years while ABS-CBN gets back on free TV after being off the air for two years,” ayon sa source ng bilyonaryo.com.

“Both MVP and [ABS-CBN president] Carlos Katigbak have both discussed separately their plans with BBM (President-elect Bongbong Marcos),” kuwento pa ng source.

Layunin ng bagong kasunduan na palawigin ang reach ng ABS-CBN at makaimpluwensya sa TV hindi bilang isang blocktimer kundi bilang co-producer ng mga programa nila.

“There is a general agreement on entertainment programs, the news is a sticking point. Will TV Patrol replace TV5’s Frontline? Let’s wait and see how they handle that,” dagdag pa ng source.

May kuwento pa ang source na nakatakda na umanong mag-launch sa July 1 (pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa June 30) ng isang bagong station ID ang TV5 kung saan makikita ang mga artista nito kasama ang mga Kapamilya stars.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *