TV show, sisibakin na; male TV host, nagpaparamdam nga ba sa magiging bossing ng bagong network?

Ilang araw na lang ay magsasara na ang kurtina ng isang programa.

Nagpa-meeting na ang produksiyon para sabihin sa kanilang mga hosts na malapit nang wakasan ang kanilang show.

Marami na naman ang mawawalan ng trabaho, pandemya pa naman ngayon, paano na ang mga production staff na ‘yun lang ang inaasahan ngayon?

Paano na rin ang mga hosts ng show, saan na naman sila lulugar ngayong mawawala na ang kanilang show?

Ayon sa isang source, “Matagal na dapat nawala ang show na ‘yun, pero nagpakawala pa rin ng puhunan ang milyonaryo nilang producer.

“Binigyan pa sila nang mahabang panahon para makabawi, kaso, talagang hanggang du’n na lang sila, bilang na ang mga araw ng show!” kuwento ng source.

Ang unang naging hakbang ng produksiyon ay bawasan ang talent fee ng kanilang mga hosts pati ng mga production staff. Pumayag naman ang lahat kaysa nga naman sa mawalan sila ng trabaho.

Patuloy ng impormante, “Sa kabuuang taping nila sa isang linggo, e, libre lang ang isa, pumayag pa rin ang mga hosts. Ganu’n ang pinagdaanan nila, nagtulungan sila ng production, pero talagang hindi na kayang isalba pa ang show.

“Dumating na ang producer sa point na hindi na kayang ipagpatuloy pa ang show, napakalaki na ng nalulugi sa kanya, dadagdagan pa ba naman ng producer ang pagkalugi niya?” sabi ng source.

Heto na. marunong talagang pumaraan ang male TV host na lider-lide­ran ng grupo. Madalas na siyang mag-text sa isang sikat na TV host, madalas siyang mangumusta, may duda na nga ang male TV host na mawawala na ang kanilang show.

Dagdag na impormasyon pa ng impormante, “Napansin n’yo rin ba ‘yun? A few months ago, text na siya nang text sa isang sikat na TV host. Panay na panay ang pangungumusta niya!

“Nakakapagtaka, di ba naman? Mahabang panahon na ang lumipas, ni ha ni ho naman, e, hindi siya nangungumusta sa kuya niyang sikat, pero bakit bilang nag-feeling close na siya?

“Nararamdaman na niya ang pagkawala ng show nila, nagsisi­guro na siya, para nga naman may trabaho na siya agad kapag nagsarado ang show nila!

“Ang galing-galing talaga niyang pumaraan, para siyang manghuhula na alam ang magiging kinabukasan niya! Kapag nawala na nga naman ang programa, saan na siya kukuha ng pambayad sa kanyang mga bills?

“Paano na ang bill niya sa tubig, sa kuryente at marami pang bills?” napapailing na kuwento ng source.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *