Sunshine Dizon, nagpasalamat sa GMA Network

Isa ang freelance actress na si Sunshine Dizon sa mga nakatanggap ng nominasyon para sa nalalapit na 34th PMPC Star Awards for TV.

Bagamat mapapanood na si Sunshine sa Kapamilya Channel sa upcoming series na Marry Me, Marry You, nag-iwan naman ng marka ang kaniyang huling dalawang project sa Kapuso Network at nakatanggap pa siya ng dalawang nominasyon.

Ang kaniyang teleseryeng Magkaagaw ay na-nominate sa Best Daytime Drama Series category.

Makakalaban ng Magkaagaw sa parehong kategorya ang Bilangin ang Bituin sa Langit (GMA-7), Dahil sa Pag-ibig (GMA-7), Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko (GMA-7), Madrasta (GMA-7), Prima Donnas (GMA-7), at Sandugo (ABS-CBN).

Nominado naman si Sunshine sa Best Drama Actress category, na kinabibilangan nina Coney Reyes (Love of My Life/GMA-7), Jennylyn Mercado (Descendants of the Sun/GMA-7), Judy Ann Santos (Starla/ABS-CBN), Maja Salvador (The Killer Bride/ABS-CBN), Nora Aunor (Bilangin ang Bituin sa Langit/GMA-7), at Sylvia Sanchez (Pamilya Ko/ABS-CBN).

Kasama rin sa nominado para sa Best Single Performance By An Actress category si Sunshine.

Nominado rin sa parehong kategorya sina Alessandra de Rossi (Tadhana: Sisters at War/GMA-7), Glaiza de Castro (Magpakailanman: Sino Ang Baliw?/GMA-7), Jane de Leon (MMK: Medal/ABS-CBN), Janice de Belen (MMK: Mata/ABS-CBN), Jasmine Curtis-Smith (Tadhana: Sex Slave/GMA-7), at Julia Barretto (MMK: Colored Pens/ABS-CBN).

Sa pamamagitan ng Instagram, inihayag ni Sunshine ang kaniyang pasasalamat dahil sa double nomination na kaniyang natanggap.

Aniya, “Unang beses ko ata ito na double nomination. Salamat po PMPC. Nakakataba ng puso.

“Nasa ibang bakuran at Pamilya man ako ngayon, nagpapasalamat pa din po ako at nabigyan ako ng pagkakataon na bigyang buhay si Laura sa Magkaagaw at si Bekang sa Magkano ang Forever.

“Sa lahat ng bumuo at mga director lalo na si Tatay Gil Tejada ko at mga writers congratulations.”

Naka-tag sa kaniyang post ang GMA Network na dati niyang naging tahanan at ang GMA Public Affairs na producer ng Tadhana.

Wala pang specific date kung kailan idaraos ang awarding ceremony para sa 34th PMPC Star Awards for TV ngayong taon, pero karaniwan na itong idinaraos tuwing Oktubre.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *