Sanya Lopez, gustong maging superhero

Makalipas ang limang taong pagiging loyal sa GMA Network, mananatili pa ring Kapuso ang aktres na si Sanya Lopez matapos niyang mag-renew ng exclusive contract sa network.

Ayon sa aktres, napakarami niyang natutunan sa mundo ng showbiz sa halos limang taong pagiging Kapuso ngunit inamin niya na napakahirap din ng kaniyang pinagdaanan bago niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.

Kuwento ni Sanya, napakarami rin niyang isinakripisyo at hinarap na suliranin para sa kaniyang mga pangarap at nagpapasalamat siya sa GMA dahil sa tiwala at pagmamahal na ibinibigay sa kaniya hanggang ngayon.

“Being with GMA siguro, ang natutunan ko lang talaga is of course, lagi kang magpasalamat sa lahat ng ibinibigay sa ‘yo,” pahayag ni Sanya sa panayam sa kaniya ng GMANetwork.com

“At kung anuman ang mangyari, dapat mahabang mahaba ang pasensya mo talaga, kasi hindi biro ang pagpasok sa ganitong trabaho. Lagi ka lang magpasalamat, hindi ka bibiguin ng GMA and you have to trust them,” dagdag niya.

Pinasalamatan rin ng aktres ang lahat ng taong tumutulong at sumusuporta sa kaniya, kabilang na ang pamilya niya, fans, at ang GMA Artist Center.

Nabanggit rin niya ang kaniyang mentor na si German “Kuya Germs” Moreno na sa simula pa lang ay naniwala na agad sa kaniyang potensyal at talento bilang artista.

“Kay Tatay Kuya Germs na isa rin sa mga unang taong nagtiwala sa akin. Siya po talaga ‘yung unang tao na naniwala sa akin na kaya mo at magagawa mo ‘yan kaya hinding-hindi ko makakalimutan si Tatay,” aniya.

Samantala, kabilang sa dream projects ni Sanya ay ang makaganap bilang superhero dahil bata pa lang daw siya noon ay pinangarap na niya ito.

Sa panayam noon kay Sanya sa media conference ng Dahil sa Pag-ibig, inamin ni Sanya na bukas siyang mag-audition para sa Darna noon ng ABS-CBN kung papayag ang GMA.

“Pag nagbigay po sila ng invitation sa GMA at pumayag ang GMA, why not. Pag sila po nagbigay ng invitation,” sagot ni Sanya sa tanong kung mag-o-audition ba siya sa Darna noon.

Maraming fans at supporters ni Sanya ang na-excite siya, at kahit nga nakapili na ang ABS-CBN ng gaganap na Darna, siya pa rin ang pinakapaborito ng fans na gumanap bilang Darna.

Kaya naman pinagbigyan niya ang mga ito nang sumigaw siya ng “Darna!”

Sanya Lopez shouts the iconic “Darna”

Bukod sa pagiging superhero, gusto ring i-explore ng aktres ang mga lesbian role at type niya raw na makasama sa ganitong uri ng proyekto sina Rhian Ramos, Glaiza de Catro, at Solenn Heussaff na inilarawan pa nga niyang “super hot.”

Aniya, nae-excite raw siya sa mga ganitong klaseng role na talagang alam niyang matsa-challenge siya kapag ginampanan niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *