Regal Entertainment, gagawa ng teleserye sa GMA?

Sa August 19 na ang 83rd birhtday ni Mother Lily Monteverde, ang founder ng Regal Films.

Interesting ang kuwento ng buhay ni Mother Lily kaya naman frustration raw ng anak niyang si Dondon Monteverde at direk Erik Matti na maisa-pelikula ang buhay ni Mother Lily as a movie fan na naging successful movie producer.

Si Dondon at direk Erik ang founder ng production company na Reality Entertainment.

Si Judy Ann Santos naman ang napipisil nilang gumanap na Mother Lily at si Piolo Pascual naman bilang Father Remy.

Samantala, mukhang magbabalik ang Regal Entertainment sa pagpoprodyus ng programa para sa telebisyon.

Nagkaroon kasi ng story conference sina GMA Network First Vice President for Program Management Joey Abacan at Co-Chief Executive Officer of Regal Entertainment Roselle Monteverde, kasama ang ilang Kapuso stars.

Wala pang kumpirmasyon kung pelikula o teleserye ang gagawin ng GMA at Regal, pero mas malaki ang posibilidad na ito ay para sa telebisyon dahil kakaunti pa rin ang mga production company na handang sumugal sa paggawa ng pelikula.

Hindi naman na bago na gumawa ng television series ang Regal dahil noong dekada ’80 ay pinasok na nila ang pagpoprodyus ng programang pantelebisyon. Nariyan ang Mother Studio Presents na ipinalabas sa GMA Network at Regal Drama Presents na ipinalabas naman sa ABS-CBN.

Isa pang sikat na palabas ng Regal Entertainment noong dekada ’80 ay ang Regal Shocker na ipinalabas rin noon sa GMA-7.

Samantala, tatlong episode na ng proyekto ang natalakay sa storycon.

Sa isang episode ay magkakasama ang real-life couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos, kasama si Manolo Pedrosa.

Sa ikalawang kuwento naman ay magtatambal sina Sanya Lopez at Ken Chan. Makakasama rin nila sa episode ang newcomers na sina Anjay Mandhyani at Shanelle Agustin.

Sa ikatlong episode naman ay bibida sina Prima Donnas (Season 2) star Sofia Pablo at Allen Ansay. Tampok rin sa episode si Bruce Roeland.

Nalungkot naman ang RitKen (Rita Daniela at Ken Chan) fans dahil hindi magkakasama ang kanilang idolo sa proyektong ito ng Regal at GMA, pero may balitang kasama si Rita sa proyekto pero sa ibang episode siya bibida.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *