Pang-international! Glaiza de Castro, gagawa ng 2 foreign films

Ibinahagi ni Kapuso actress Glaiza de Castro ang naging karanasan niya sa isang matinding eksena sa pagbibidahan niyang upcoming afternoon series na Nagbabagang Luha.

“May isang eksena na hindi talaga ako makahinga. As in, nanikip ‘yung dibdib ko kasi may eksena doon na sobrang bigat, tapos kinikimkim ko kasi ‘yung gusto kong sabihin,” kuwento ng award-winning actress.

Dagdag pa niya, “So, napapikit ako for like 30 minutes, tapos kinakalma ko ‘yung sarili ko until nag-calm na rin ‘yung nerves ko.”

Ikinuwento rin ni Glaiza ang kaniyang saya sa lock-in taping dahil naging pamilya na sila ng cast, staff at crew ng Nagbabagang Luha.

Ibinahagi rin ng aktres na ang kaniyang leading men sa serye na sina Rayver Cruz at Mike Tan ang kanilang kakulitan na talaga namang nagpapasaya sa set.

“Bilib ako sa energy ni Rayver, sobrang animated kasi siya, malaki ‘yung mga galaw niya tapos mahilig magpatawa. Si Mike naman, iba naman ‘yung humor niya, mga simpleng hirit pero nakakatawa,” paglalarawan ni Glaiza.

Itinuturing naman nilang bunsong kapatid ang newcomer sa showbiz na si Claire Castro, na siyang pinakabago sa lead stars ng series.

“Lahat naman kami sa set, talagang nakaalalay sa kaniya, naiintindihan namin ‘yung pinagdadaanan niya, naiintindihan namin na mahirap ‘yung role na ginagampanan niya.

“So kapag may mga, let’s say inputs kami, kinakausap namin siya, may suggestions kami sa kaniya,” ani Glaiza.

Samantala, natuklasan na rin ng international filmmakers ang galing ni Glaiza sa pag-arte, kaya naman dalawang pelikula ang gagawin niya sa ibang bansa.

Ang isa ay ipoprodyus ng Canadian Film Society, sa ilalim ng direksyon ng isang Filipino-Canadian fillmmaker.

Ang isa naman niyang gagawin ay sa South Korea, kung saan may kasama siyang Korean actors.

Dahil sa dami ng oportunidad, sinabi ni Glaiza na malaki ang kaniyang pasasalamat at excited na siyang magtrabaho.

“Siyempre, honored din po ako na i-represent ‘yung Philippines through movies, films,” pahayag ng aktres.

“Excited na ako na gawin ‘tong pelikula na ‘to kasi another challenge, another excitement,” dagdag niya.

Samantala, ‘wag palampasin ang Nagbabagang Luha na world premiere na sa GMA sa August 2.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *