Mas nag-mature na raw: Andrea Torres, hindi na “mambubulok”

Kahit na isa si Andrea Torres sa mga Kapuso stars na kaliwa’t kanang trabaho ang natatanggap sa gitna ng pandemya, aminado ang aktres na natatakot pa rin siya tuwing lumalabas siya ng bahay.

Doble ingat daw ang aktres tuwing nasa labas dahil ayaw niyang makapag-uwi ng virus at kung wala naman daw mabigat na dahilan para lumabas ay talagang nananatili na lang siya sa loob ng bahay.

Paliwanag ng Kapuso actress, “Kasi ako ‘yung sobrang praning talaga. Siyempre, meron akong tatlong high-risk [na kasama] sa bahay. ‘Yung parents ko at ‘yung kapatid ko na PWD (Person with Disability).

“So, kung walang business sa labas, hindi ako lalabas.”

Dahil sa mas dumaming oras sa bahay kapag tapos na ang lock-in tapings, napansin daw ni Andrea na marami siyang bagong nagagawa ngayon na hindi naman niya gawain noon.

“Siyempre ngayon mo napapansin ‘yung maliliit na bagay, ‘di ba? ‘Yung mga kailangang linisin, mga kailangang ayusin.”

Natatawang kuwento pa ni Andrea, “Dati kasi kilala ako sa bahay na mambubulok, lahat may sentimental value. Pero ngayon, parang natatanggal ko na ‘yung mga bagay na parang feel ko, wala, naka-stock lang naman.”

Bukod sa pagtatapon ng mga bagay na hindi na niya kailangan, hindi na rin daw siya pala-bili ng kung anu-anong bagay.

“Actually, ngayong pandemic, parang wala pa akong binili. Bag, wala. Dresss, wala rin. Usually, after ko ng show, may reward ako sa sarili ko, pero ngayon, wala.

“Pero ang saya rin, siguro ‘yung thinking na nagma-mature ka na rin. Parang bago ka gumawa ng isang bagay, pinag-iisipan mo na talaga.

“Dati kasi, minsan nasa taping ka pa, parang nag-o-online shopping ka na or parang kapag may nakita ka sa Instagram, bili agad. Then, after mo na lang mari-realize na dapat pala nag-wait muna ako nang kaunti.”

Habang nasa bahay raw si Andrea ay talagang nagpapaka-productive siya kaya naging “fashion designer” na raw siya at plantita.

“Ang ginagawa ko ngayon na na-discover ko rin, ‘yung mga plain ko palang damit, pwede ko pala siyang tanggalan ng sleeves, igsian… ang dami palang pwedeng gawin na fulfilling din.

“Well, hindi naman ikaw ang designer, pero dahil idea mo siya, feeling mo naka-design ka ng bagong outfit,” natatawang kwento ng aktres.

Kakahalungkat daw niya ng mga ire-repurpose na damit, nakita daw niya ang ilang damit na sinuot niya sa Ka-Blog. Ang Ka-Blog ay ang 2008 informative teen show ng GMA-7, kung saan isa siya sa hosts.

“Siguro mga limang damit din ‘yun na sabi ko talaga, ‘Hala, nakunan pa ko na suot ko ‘to sa Ka-Blog, nandito pa.’ Sobrang ano talaga ako, sobrang tagal kong mag-let-go,” natatawa pa ring kuwento ni Andrea.

Kung may isang bagay raw na never niyang nagawa dati na ginagawa niya ngayon, ito ay ang magtanim at mag-alaga ng halaman.

“Kasi dati ang feeling ko, parang ang laking responsibility na mag-alaga ng plant sa sobrang busy nga, feeling ko, hindi ko matututukan.

“Ngayon naman, parang ewan ko, parang iba ang vibes na nabibigay niya sa bahay.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *