Mamasapano movie, may network war?

Hango sa tunay na kuwento ang pelikulang Mamasapano: Now It Can Be Told kung saan ngayon lang daw nila isasadula ang buong pangyayari sa Mamasapano clash, kunsaan napatay ang 44 na miyembro ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP) noong taong 2015.

Bahagi ng ensemble cast nito sina Aljur Abrenica, Paolo Gumabao, at Edu Manzano.

Pero ang isa sa kontrobersiya ng pelikula ay ang pag-iinject ng kuwento tungkol sa fictional war sa pagitan ng dalawang malalaking TV networks.

Maliban sa network war ay pawang katotohanan na ang lahat sa kuwento, ayon sa isa sa mga producer ng pelikula na si Atty. Ferdie Topacio.

Natanong si Atty. Topacio kung nakahanda sila sa posibleng buwelta ng mga taong involved dito, lalo na ang supporters ng namayapang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Baka malagay sa di magandang imahe ang namayapang pangulo at ang iba pang involved kapag ilalabas nila ang buong kuwento sa naturang madugong labanan ng SAF 44.

“Wala tayong magagawa, e. This is a true story. Whether buhay siya o patay siya, eto ang istorya, e.

“Wala kaming binago at all,” pakli ni Atty. Ferdie Topacio sa isang panayam ng DZRH noong nakaraang linggo.

Patuloy ng lawyer-producer, “Yun ang istorya, e. Hindi namin ginawa ito to put anyone in a bad light, para ang tunay na istorya ay lumabas.

“Walang element ang script na ito na fiction. Ang fictionalized lang dito, yung character ni Ritz at saka ni Myrtle na bilang composite, yung symbolic na may namatay na nga, yung networks natin, nag-aagawan pa sa news instead of trying to help to deal with the truth.

“Yung ratings pa inatupag nila, nag-away pa rin sila. Parang symbolic lang ito ng network war ng dalawang malaking istasyon.

“Pero all the rest of the characters are the real people.”

Sina Ritz Azul at Myrtle Sarrosa ay gumanap bilang news reporters.

Wala raw silang binawas o idinagdag sa kuwento.

Ibinase nila ang materyal ng pelikula sa Board of Inquiry (BOI) report ni General Benjamin Magalong, at sa hearings ng Senate Committee on Public Order na pinangunahan ni Senator Grace Poe.

Iyon ang research materials ng scriptwriter na si Eric Ramos.

“Nag-public hearing naman na lumabas talaga kung sino yung may kasalanan, at interviews ng eye witnesses,” ani Atty. Topacio.

Binanggit din niya ang mga personalidad na kasama ni Pangulong Aquino sa planning at execution ng Oplan Exodus, o secret operation para patumbahin ang tatlong high-ranking terrorists.

Kabilang dito si Director of Special Action Force (SAF) Police Director Getulio Napeñas at Chief Philippine National Police (CPNP) at Police Director General Alan Purisima.

“All the rest of the characters are the real people. Nandiyan sina Napeñas, si Purisima, si Mar Roxas, si PNoy… lahat ‘yan…

“Wala silang i-react dahil sa movie na ‘yan tatlo lang ang sources.

“Walang fiction diyan kundi yung character lang nung dalawang babae. Nilagay namin yung dalawang babae diyan, kasi walang babae, e, puro lalaki [sa police operation].”

Nasa post-production pa ang pelikula, at wala pa silang napag-usapang playdate, dahil gusto talaga nilang sa mga sinehan ito mapanood.

Balak daw sana nila bago mag-eleksyon ang showing nito o kaya sa June 12 para sa Philippine Independence celebration.

Ipo-promote kaya ng GMA-7 at ABS-CBN ang Mamasapano: Now It Can Be Told kung pinapalabas ng pelikula na ratings ang priority nila?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *