Maja Salvador, ginulat ang mga Kapuso; ipinakilala na bilang bagong Dabarkads

Ipinakilala na ngayong Sabado, October 2, ang bagong Dabarkads sa longest-running noontime show na Eat Bulaga na si Maja Salvador.

“Mga Dabarkads, ang bago nating makakasama mula Aparri hanggang sa Eat Bulaga Studio, at sa mga telebisyon niyo… ang DC Queen, Maja Salvador!,” saad sa post ng Eat Bulaga sa kanilang Facebook page.

Ipinamalas ni Maja ang kaniyang galing sa pagsayaw nang humataw siya sa dance floor.

Espesyal ang episode ngayon ng Eat Bulaga dahil itinampok ang kuwento ng buhay ng tinaguriang DC Queen ngayon ng Kapuso noontime show.

Samantala, nagdiriwang naman ngayon ang buong Cornerstone Studio na line producer ng teleserye ni Maja na Niña Niño at Sing Galing na umeere sa TV5 dahil parehong nanalo ang mga ito sa Asian Academy Creative Awards National Winner 2021 Philippines.

Nakamit ng Sing Galing ang Best Non Scripted Entertainment. Best Actress naman si Maja at Best Drama Series ang Niña Niño.

Hindi apektado ang programang Niña Niño sa kaniyang pagsali sa Eat Bulaga bilang host dahil tuluy-tuloy pa rin daw ang taping nila, ayon mismo sa taga-CS Studio.

Maliban na lang kung gagawa ng teleserye ang award-winning actress sa GMA-7, doon magkaka-problema ang Niña Niño dahil baka tapusin na ito.

Pero mukhang hindi naman iiwan ni Maja ang kaniyang teleserye sa TV5 dahil ito lang ang nag-offer sa kaniya ng teleserye pagkatapos ng Sunday Noontime Live (SNL) na hindi tumagal sa ere.

Maganda ang ratings ng Niña Niño kaya ito na-extend sa season 2. Bukod dito, masaya silang lahat sa tapings at walang problema sa cast at production kaya lahat ay magkakasundo, walang mga pasaway kaya walang dahilan para iwan ito ng aktres.

Tapos nanalo pa siya ng award para sa teleserye, ang kaniyang kauna-unahang international award bilang best actress sa Asian Academy Creative Awards 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *