Lovi Poe, Kapamilya na; bibida sa Pinoy version ng ‘Flower of Evil’

Pormal nang ipinakilala ang dating Kapuso na si Lovi Poe bilang Kapamilya.

Kasabay ng kaniyang pagpirma sa ABS-CBN, balik-Kapamilya na rin ang aktor na si Piolo Pascual matapos niyang gumawa ng project sa TV5.

Naunang pumirma ng exclusive contract sa Kapamilya Network si Lovi ngayong umaga at present dito sina ABS-CBN CEO Carlo Katigbak, COO for Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN Chairman Mark Lopez, Group CFO at ABS-CBN Corporation Rick Tan, Jr, Dreamscape Entertainment Head Deo Endrinal at ang manager ng aktres na si Leo Dominguez.

Bago pumirma ang aktres, nagpasalamat muna siya sa GMA-7 na naging tahanan niya ng 15 taon sa pamamagitan ng isang post sa kaniyang mga social media account.

Panimula ng dating Kapuso actress, “Mananatili sa Puso ♥️”

“Hindi po biro ang 15 years. I would like to thank GMA for taking a chance on this unknown dreamer; for believing in me and supporting me all these years.

“I have utmost respect and gratitude to the network that has given me my roots and a heart full of memories.

“Thank you for planting my dreams. Thank you for giving it time, love and effort to water it.

“Punong puno ng pagmamahal at pasasalamat ♥️, Lovi Poe”

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakapunta si Lovi sa Kapamilya network dahil ilang beses na rin siyang nag-guest sa ilang programa ng ABS-CBN para mag-promote ng kaniyang mga pelikula. May ilang TV guestings siya noon sa Gandang Gabi Vice, Magandang Buhay, at The Buzz.

Ginawa rin ni Lovi ang digital movie na Malaya para sa iWant, na kinunan sa magagandang lugar sa Italy kasama si Zanjoe Marudo na idinirek ni Connie Macatuno handog ng Dreamscape Entertainment na ipinalabas noong 2020.

Pagkatapos naman ni Lovi ay si Piolo naman ang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN na hudyat ng kaniyang pagbabalik bilang Kapamilya.

Halos tatlong taon din ang nakalipas nang huling gumawa ng teleserye si Piolo sa ABS-CBN, ang Since I Found You kung saan nakasama niya sina Arci Muñoz, JC de Vera, at Alessandra de Rossi.

Handang-handa na silang dalawa na sumabak sa lock-in taping para sa Philippine adaptation ng South Korean drama series na Flower of Evil.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *