Lady Gaga, napapabalitang gaganap na Harley Quinn

Lady Gaga bilang Harley Quinn? Posible ‘yang mangyari.

Ayon sa isang ulat ng The Hollywood Reporter, pinag-uusapan na ngayon ang posibilidad na bumida ang singer-actress sa upcoming sequel ng “Joker”.

Dagdag pa ng ulat, ang bagong Harley Quinn ay hindi kapareho ng DC Universe ng Harley Quinn ni Margot Robbie.

Sinasabi ring isang musical ang “Joker 2”.

Kamakailan lang ay kinumpirma ni Director Todd Phillips na magkakaroon ng sequel ang 2019 film na “Joker”.

Ang “Joker” ay tungkol kay Arthur Fleck, isang hikahos na clown performer, na niyakap ang buhay ng pagiging kriminal at kaguluhan sa lipunan matapos syang bansagang isang freak.

Na-nominate ang pelikula para sa 12 Oscars, kabilang ang best picture. Napanalunan nito ang best original score at naiuwi ni Joaquin Phoenix ang best actor award.

Ayon naman sa Variety, may pag-uusap na ang Warner Bros. at sina Phillips at ang co-writer nito na si Scott Silver tungkol sa posibilidad na magkaroon ng sequel mula pa noong ipinalabas ang unang pelikula noong 2019.

Sa isa namang Instagram post, ibinahagi ni Phillips na binabasa na ni Phoenix ang script para sa sequel at ni-reveal din ang working title nito na “Joker: Folie a Deux.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *