Kris Aquino, tuloy na sa show ni Willie; International star, special guest din!

Bukas ay simula na ang pagbabalik ng ECQ sa NCR, kaya marami na naman ang pinagbabawal kabilang na ang film, music, at television production sa lahat ng production activites sa NCR.

May mga taping na ipinatigil na pero ang Wowowin: Tutok to Win ni Willie Revillame ay hindi mahihinto ang pagsahimpapawid pero kailangang humanap ang produksyon ng mga lugar na hindi sakop ng ECQ.

Magso-show si Willie sa iba’t ibang probinsya, napakalaking trabaho nu’n dahil bibitbitin nila ang lahat ng mga equipment para sa kanilang live broadcast-airing.

Sinserong pahayag ni Willie, “Nakipag-meeting na kami sa IATF, nakiusap kami na hindi puwedeng mahinto ang airing ng show, lalo na ngayong maraming apektado sa bagong declaration ng ECQ.

“Para sa mga kababayan natin ito, hindi lang para sa amin, kailangang tuluy-tuloy ang tulong na puwedeng ibigay ng Wowowin.

“So, ang mangyayari, magso-show kami sa mga lugar na hindi sakop ng ECQ.

“Hindi baleng mahirapan kami, basta hindi lang mahinto ang pagbibigay ng tulong ng show para sa mga kababayan natin.”

Kung tutuusin, puwede namang magpahinga na lang si Willie ng dalawang linggong sakop ng ECQ. Puwede siyang mamalagi sa kaniyang beach house sa Mindoro o kaya sa kaniyang mansyon sa Iruhin sa Tagaytay.

Pero ang inuuna ni Willie ay ang kapakanan ng ating mga kababayang kapuspalad. Napakalaking tulong para sa kaniyang mga tinatawagan sa show ang P20,000 na ipinamamahagi niya araw-araw, meron pa siyang isang milyong papremyong ibinibigay ng kaniyang sponsors.

Walang dapat ipag-alala ang mga tagasuporta ni Willie dahil hindi titigil ang kaniyang programa ngayong ECQ. Kailangan lang nilang magpalipat-lipat ng lugar para mapanatiling ligtas ang mga tao sa likod ng produksyon alinsunod na rin sa mga health protocols na pinaiiral ng IATF.

Dagdag pa ni Willie, “Konting sakripisyo lang ito para sa amin, pero maraming kababayan nating walang-wala ang matutulungan namin. Para sa kanila itong gagawin namin.”

Nakatakdang ganapin ang LIVE event ngayong Linggo, August 8 10:00 AM sa Clark International Airport.

Special guests niya sa special event sina Queen of All Media Ms. Kris Aquino, Ariella Arida, Andrea Torres, Glaiza de Castro, Bianca Umali, at may supresa pang international performer.

Doon na rin magla-live ang Wowowin: Tutok to Win sa susunod na dalawang linggo habang umiiral pa ang ECQ sa NCR.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *