KathNiel at Liza Soberano, napipisil sa TV adaptation ng ‘Noli Me Tangere’

Na-imagine n’yo na ba si Kathryn Bernardo bilang Salome, si Daniel Padilla bilang Elias, at si Liza Soberano bilang Sisa?

Ibinahagi ng presidente ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na si Arsenio “Nick” Lizaso ang kaniyang dream cast sa pinaplano niyang TV series adaptation ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

“I’m working on getting millenial actors so that our senior students can relate to the modern actors like Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, and Liza Soberano. Nag-uumpisa na po ako ng pre-prod,” pahayag ni Lizaso sa press last week.

Ang “Noli Me Tangere” ay isa sa dalawang required readings para sa mga high school students sa bansa. Ang isa ay “El Filibusterismo.” Pareho itong isinulat ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal.

Ang magkasintahang sina Elias at Salome ay kabilang sa pangunahing tauhan sa nobelang tumatalakay sa pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas at gumagalugad sa tema ng hindi pagkakapantay-pantay at kawalan ng katarungan sa lipunan.

Samantala, si Sisa naman ang isa sa pinakakilalang tauhan sa “Noli Me Tangere.” Siya ang nanay nina Crispin at Basilio na nawala sa katinuan dahil sa pang-aabuso ng kaniyang asawa.

Nagkataon namang si Liza ang nagbigay-boses sa lead character ng animated series na Trese noong Hunyo.

Sa Trese, ang karakter ni Liza na si Alexandra Trese ay may dalawang bodyguard na sina Crispin at Basilio.

Sinabi ni Lizaso na pumasok sa isip niya na gawan ng TV series ang Noli Me Tangere nang lumapit sa kaniya ang dati niyang kaklase sa high school.

Sabi ng kaniyang kaklase na hindi niya naintindihan ang nobela noong binasa niya ito pero naintindihan niya ito nang mapanood niya ang pagsasadula ng “Noli Me Tangere” sa CCP.

Ayon kay Gemma Marco, officer-in-charge ng marketing department, target nilang maipalabas ang TV series sa June 2022, kasabay ng ika-161 kaarawan ni Dr. Jose Rizal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *