Kapuso leading men, nanganganib nga ba sa paglipat ni John Lloyd sa GMA?

Wala pa mang TV show o teleserye si John Lloyd Cruz na umeere sa GMA-7 pero marami na agad ang nagne-nega sa kaniyang paglipat. Kesyo masasapawan na daw ang mga homegrown talents ng GMA o kaya baka mas i-prioritize ng management ang tinaguriang Box Office King.

Ayon kay Ed de Leon, isang showbiz columnist sa tabloid na Pang-Masa, may narinig raw sila na hindi raw basta per project ang pinirmahang kontrata ni John Lloyd sa GMA-7 kaya raw enggrande ang ginawang pagsalubong ng GMA executives sa kaniya.

Pero may nagsasabi rin naman daw na ang sitcom lang na gagawin nila ng direktor na si Edgar Mortiz ang pinirmahan niyang kontrata.

Totoo namang tiyak na lalong magiging exciting ang mga palabas ng GMA ngayon dahil sa pagdating ng isa sa pinakamahuhusay na aktor sa industriya, pero hindi naman ito nangangahulugan na masasapawan na niya ang mga baguhang leading men na ginu-groom ng Kapuso Network.

Sa kahit ano namang kumpanya o network, mahalaga ang loyalty at attitude. As long as ginagawa naman ng mga aktor na ito ang lahat ng kaya nilang gawin para mas mapahusay ang kanilang galing sa pag-arte, tiyak na hindi naman sila pababayaan ng kanilang network.

Sabi naman ni GMA Films president Annette Gozon-Valdes na ayaw daw nilang biglain si John Lloyd na bigyan ng mga proyekto dahil gusto nilang maging komportable ang aktor sa bago niyang tahanan.

“Siyempre after so long na ABS siya and Kapamilya siya, now he’s going to appear on GMA, I think he’s also taking things slow. Yung hindi naman biglaan. But we want to make him feel very welcome with us and comfortable enough to consider that in the future,” ani Gozon-Valdes.

Nilinaw na rin naman din ni SVP for Entertainment Group Lilybeth Rasonable na hindi naman maaapektuhan ang mga nakalinyang proyekto para sa lahat ng Kapuso talent dahil nakalatag na ang kanilang plano para sa buong taong 2022.

“Nakalatag na kami actually for the whole of next year. Na-distribute na namin nakapag-discuss na kami with the other artists of GMA kung ano ‘yung gagawin nila na mga soaps and other sitcoms and musicals,” pahayag ni Rasonable nang pumirma rin ng kontrata sa GMA Network ang dating Kapamilya star na si Bea Alonzo noong Hulyo.

“Pero lahat ng aming mga artista mabibigyan namin ng karampatang project. We continue to maintain a comfortable number, so that we will be able to give our artists the importance that they deserve.

“The projects that we have lined-up for them ay magagawa. Walang negative effect kung di magiging mas maganda ang mga gabi ng GMA,” dagdag pa ng GMA executive.

Samantala, magsisimula na raw sa November 22 ang taping ni John Lloyd para sa sitcom na Happy ToGetHer, kunsaan makakasama niya ang ilang dati ring Kapamilya na sina Miles Ocampo, Jayson Gainza, at Janus del Prado.

Pasok rin sa cast ang ilang Kapuso artists na sina Carmi Martin, Ashley Rivera, at Jenzel Angeles.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *