Kapuso Aces: Paano naungusan ng GMA ang ABS-CBN sa ratings?

Marami ang na-excite nang ipalabas sa ABS-CBN noong February 23, 2004 ang fantaseryeng Marina, isang TV series tungkol sa isang babaeng isinumpang maging sirena.

Dahil sa mahigit 40% ratings ng Marina sa Mega Manila, walang duda na ang ABS-CBN ang number 1 TV network noong 2004.

Mahirap para sa GMA Network na tapatan ang ABS-CBN dahil nakasanayan na ng mga manonood ang mga teleserye ng Kapamilya Network.

Nakadagdag pa sa popularidad ng ABS-CBN ang pagdating ng mga Chinovela o teleseryeng mula sa Taiwan.

Sinubukan rin noon ng GMA-7 na tapatan ang kasikatan ng Meteor Garden sa ABS-CBN pero ilang beses rin itong nabigo.

Makalipas lang ang ilang buwan mula nang ipalabas ang Marina ng ABS-CBN, lumikha naman ng kasaysayan ang first-ever fantasy series ng GMA Network na Mulawin.

Nakahanap rin ang Kapuso Network ng mga ipantatapat sa mga Asianovela ng ABS-CBN.

Paano nga ba naungusan ng GMA Network ang ABS-CBN at paano nito napanatili ang pamamayagpag sa TV ratings?

Balikan natin ang “Kapuso Aces” o ang mga programa ng GMA Network na nakapukaw sa atensyon ng Pinoy viewers.

Mulawin (2004)

Inabangan talaga ang pagdating ng Mulawin na pinagbidahan nina Angel Locsin at Richard Gutierrez.

Dahil sa phenomenal success ng Mulawin, naging household term din ang ‘telefantasya,’ na tumutukoy sa mga fantasy TV series ng Kapuso Network. Matatandaang ‘fantaserye’ naman ang tawag ng ABS-CBN sa kanilang mga fantasy series.

Naging talk of the town ang Mulawin noon at nagkaroon pa ng parody sa Kapuso gag show na Bubble Gang.

Nagkaroon din ng crossover movie ang Mulawin at Encantadia noong 2005.

Darna (2005)

Naging matagumpay rin ang kauna-unahang full-length tv series adaptation ng Darna ng GMA-7.

Wala pang isang buwan mula nang magpaalam ang Mulawin sa ere, lumipad naman si Angel Locsin bilang Darna ng Kapuso Network.

Talaga namang inabangan ang pilot episode nito noon dahil nakapagtala ito ng 47.1% sa Mega Manila ayon sa AGB Nielsen.

Umabot naman ang peak rating ng Darna sa 54.3% kaya ito ang itinuturing na Highest Rated GMA-7 Teleserye of All Time.

Encantadia (2005)

Photo Credit: Noel Flores

Dahil sa malawak na konsepto ng telefantasyang Mulawin, nakagawa ito ng panibagong universe na nagsilang ng bagong telefantasya, ang Encantadia.

Ito ay kuwento tungkol sa isang mythical land kung saan naninirahan ang mga diwata at mga kakaibang nilalang.

Ang Encantadia ay kuwento ng pakikipagsapalaran ng apat na Sang’gre na sina Amihan, Danaya, Alena, at Pirena na panatilihin ang kapayapaan sa apat na kaharian.

Ito rin ang nagpasikat kina Iza Calzado, Sunshine Dizon, Karylle, at Diana Zubiri.

Dahil sa kasikatan ng Encantadia, nagkaroon ito ng “requel” o re-telling/sequel noong 2016.

Full House (2005)

Sino ba namang makakalimot kina Justin at Jessie? At malamang ay kabisado pa rin ng mga nakapanood nito ang “Three Bears song.”

Ayon sa AGB Nielsen, nakapagtala ng peak rating na 52% ang Full House.

Dahil sa labis na kasikatan nito, nagkaroon ito ng Philippine adaptation na pinagbidahan nina Heart Evangelista at Richard Gutierrez.

Stairway to Heaven (2005)

Sunud-sunod na na-acquire ng GMA Network ang mga top-rating TV series sa South Korea.

Bukod sa Endless Love (Autumn in My Heart at Winter Sonata) at Full House, naipalabas rin ng GMA-7 ang isa sa ultimate tear-jerker na Stairway to Heaven na pinagbidahan nina Kwon Sang-Woo at Choi Ji-Woo.

Dahil sa mga Koreanovela na ito, na-glue na sa kani-kanilang telebisyon ang mga manonood at walang pinapalampas na episode ng kanilang paboritong Koreanovela na dubbed sa Tagalog.

Wala pang gaanong kompetisyon noon sa internet, kaya mas pinapanood sa free TV ang mga Asianovela.

Nagkaroon din ito ng Philippine adaptation na pinagbidahan nina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Rhian Ramos.

Jewel in the Palace (2005)

Ang Jewel in the Palace ay itinuturing na unexpected hit dahil hindi gaanong pumatok ang mga costume-themed drama series o period drama sa Pilipinas.

Ipinalabas noon sa Pilipinas ang Amazing Twins at Oshin, pero hindi ito masyadong tinangkilik ng publiko.

Kahit gabing-gabi na ipinapalabas noon ang Jewel in the Palace, nakapagtala pa rin ito ng peak rating na 40.3% noong 2006.

Mula sa telefantasyang Mulawin, nagsunud-sunod na ang pangunguna ng GMA-7 sa ratings. Noong 2005, 18 out of 20 programs ay mula sa GMA at dalawang ABS-CBN shows lang ang nakapasok sa Top 20.

Narito ang TOP 20 Programs noong 2005 ayon sa AGB Nielsen Media Research Mega Manila Household Official Data:

RANKPROGRAM NAMECHANNELRATINGS (%)
1Full HouseGMA42.3
2DarnaGMA38.4
3EncantadiaGMA38.4
4MulawinGMA36.4
5All About EveGMA34.6
6Stairway to HeavenGMA34.2
7Lovers in ParisABS-CBN33.2
8Extra ChallengeGMA32.8
9SugoGMA32.8
10EtheriaGMA31.8
11Bitoy’s Funniest VideosGMA31.7
12KakabakaBOO!GMA30.2
13Jewel in the PalaceGMA29.7
1424 OrasGMA29.3
15StarStruck: The Nationwide InvasionGMA29.1
16Pinoy Pop Superstar: Year 2GMA28
17Slam DunkGMA27.9
18StarStruck 2GMA27.8
19Attic CatGMA27.2
20Kampanerang KubaABS-CBN26.9

Mega Manila lang ang kinukuha dating ratings dahil majority ng advertisers ay nasa Mega Manila. Hindi rin gaano kalawak ang naaabot noon ng mga TV network at karamihan ng mga nanonood ng telebisyon noon ay nasa Kalakhang Maynila.

Taong 2006 naman nang ilunsad ng AGB Nielsen Media Research (now Nielsen Philippines) ang Nationwide Urban Television Audience Measurement (NUTAM).

Masalimuot ang taong 2005 para sa Kapamilya Network dahil ito yung panahong inamin mismo ni ABS-CBN executive Charo Santos-Concio na number 2 na lang ang ABS-CBN. Ito rin ang panahon na maraming empleyado ng network ang nawalan noon ng trabaho.

Masasabing malaki ang naging kontribusyon ni Wilma Galvante sa entertainment department ng GMA Network, dahil mula nang lisanin ni Galvante ang network noong 2012 ay may pagkakataong naungusan na ng ABS-CBN ang GMA-7 pagdating sa ratings.

Maganda rin naman ang naging pamamalakad ni Lilybeth Rasonable sa GMA Entertainment Group, dahil mas lumawak ang mga konsepto ng mga teleseryeng pinoprodyus. Nagkaroon ng mga out-of-the-box TV series na hindi man nag-hit dito sa Pilipinas ay nakatanggap naman ng mga parangal sa ibang bansa.

Pero kung tatanungin kung sino ang may pinakamalaking role sa pag-usbong ng GMA Network mula sa isang maliit na radio station hanggang sa pinakamalaking TV network ngayon, ito ay ang triumvirate na sina Felipe Gozon, Menardo Jimenez, at Gilberto Duavit.

Dahil sa mahusay nilang pamamalakad, naging tahanan ang GMA Network ng mga pinagpipitagang mga mamamahayag at mga batikan na mga artista.

Mula sa pagbabalita, nariyan sina Jessica Soho, Mel Tiangco, Mike Enriquez, Vicky Morales, Atom Araullo, Arnold Clavio, at marami pang iba.

Mula naman sa entertainment, nariyan sina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Carla Abellana, Rhian Ramos, Sanya Lopez, Glaiza de Castro, Ken Chan, Alden Richards, mga award-winning actresses tulad nina Jaclyn Jose, Nova Villa, Dina Bonnevie, at mga bagong Kapuso na sina Richard Yap, Pokwang, Beauty Gonzalez, at Bea Alonzo.

Hindi rin magiging posible na magkaroon ng mga dekalibreng teleserye kung wala ang mga manunulat na sina Suzette Doctolero, Aloy Adlawan, Agnes Gagelonia-Uligan, mga direktor na sina Zig Dulay, Dominic Zapata, Don Michael Perez, Mark Reyes, at marami pang iba na bumubuo sa likod ng produksyong pantelebisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *