Jillian Ward at Elijah Alejo, nagkapikunan sa set ng ‘Prima Donnas’?

Sa vlog ni Aiko Melendez, nagkaroon ng komosyon sa huling taping day ng ‘Prima Donnas’ dahil kina Jillian Ward at Elijah Alejo. Ano kaya ang nangyari?

Mukhang nagkaroon ng issue sa pagitan ng mga lead stars ng Prima Donnas na sina Jillian Ward at Elijah Alejo dahil sa isang eksena kung saan sinampal ni Jillian si Elijah.

Ginagampanan ni Jillian ang bidang si Donna Marie samantalang si Elijah naman ang kontrabidang si Brianna.

Sa vlog ng kanilang co-star na si Aiko Melendez, tinangka ni Aiko na kausapin ang dalawang teen actresses dahil last taping day na nila at ayaw nitong maghiwa-hiwalay sila na may sama ng loob sa isa’t isa.

“Brianna, halika. Dito tayo, kakausapin ka ni Jillian,” tawag ni Aiko kay Elijah.

Nagtataka si Elijah kung ano’ng nangyari pero pinaliwanag ni Jillian sa kanya kung bakit siya tinawag ni Aiko.

Paliwanag ni Jillian, “‘Di ba ‘yung nasampal kita, eh may nagsabi raw, nagkukuwento ka raw na parang sinasadya ko raw.”

Dagdag ni Aiko, “‘Yung kahapon kasi, ‘di ba, nasampal ka niya? Kinukuwento mo raw sa PA na tinotohanan daw niya [Jillian], e, hindi naman niya sinasadya. So nakarating sa mommy niya, e, hindi naman daw niya sinasadya.”

Ayon kay Aiko, kinausap siya ni Jillian upang kausapin si Elijah dahil mas malapit ang loob nito sa kanya.

Ang karakter kasi ni Aiko sa show na si Kendra ang nanay ni Brianna.

“Si Ate Aira [production staff] ang sinabihan mo raw na tinotoo ni Jillian ‘yung sampal tapos nagrereklamo ka raw sa staff,” paliwanag ni Aiko.

“Ewan ko, sinabihan lang ako ni Jillian kanina na, naiiyak-iyak ‘yung bata. Sabi ko, ‘Kausapin natin si Brianna para huwag tayo maghiwa-hiwalay nang may away.’

“Last taping na natin tapos ganito pa, mag-a-away-away tayo, hindi maganda ‘yan.

“So kung ano, ayusin n’yo ‘yung away n’yo ni Jillian. Hindi naman niya sinasadya, e.

“Ang tagal tagal nang artista ni Jillian, e. Sa tingin mo ba sasadyain niya?”

Dagdag pa ni Aiko, “Si mommy siyempre na-feel bad kasi hindi naman niya sinasadya. Ginagawa niya lang naman ‘yung work niya bilang artista, ‘di ba?”

“Pero ikaw daw, iyak ka raw ng iyak kagabi. Sabi mo nga daw si Jillian, sinadya niya yung pagsampal niya sa ‘yo.”

Nagpaliwanag naman si Elijah kay Jillian na wala siyang hard feelings sa nangyari.

Saad ni Elijah, “Okay lang talaga. Wala naman akong hard feelings.”

“Tsaka inaasar lang naman kita nung sinasabi ko na, ‘Uy, masakit, ah.’

“‘Di ba alam mo naman? ‘Di ba kilala mo naman ako? Na ‘pag masakit, sasabihin ko sa’yo talaga na masakit.

“Kung naiinis ako, hindi talaga kita papansinin.”

Sa una ay ayaw pang maniwala ni Elijah kaya naman tinawag na ni Jillian ang executive producer ng show na si Ysai Hilario upang patotohanan ang sinasabi ni Aiko.

Tuloy pa rin sa pagpapaliwanag si Elijah nang makaisip ng solusyon si Aiko.

Suggestion niya, “Oh, sige. Okay lang ba sayo, para magbati na kayo, sasampalin ka ni Jillian para makaganti siya sa’yo kasi sa ginawa mo, okay lang ba?”

Sagot ni Elijah, “Sige po.”

“Sasampalin ka niya, left and right?,” tanong ulit ni Aiko.

“Sige po.”

“Payag ka? Tapos walang personalan?”

“Opo.”

“Oh, sige dahil it’s a prank,” pagri-reveal ni Aiko na pina-prank lang nila ang Prima Donnas star.

Bukod kay Elijah, ni-prank din ni Aiko si Althea Ablan, na gumaganap bilang Donna Belle.

Panoorin ang nakakatuwa at nakakaaliw na prank ni Aiko:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *