Jaclyn Jose, bumuwelta na rin sa pahayag ni Andoy Ranay

Matapos mag-react ni GMA head writer at creative consultant Suzette Doctolero sa patutsada ng Kapamilya director na si Andoy Ranay, sumunod namang nagsalita ang Kapuso actress at 2016 Cannes best actress na si Jaclyn Jose.

Walang binanggit na pangalan ang aktres, pero hindi maipagkakailang ang ABS-CBN director ang tinutukoy niya sa kaniyang Instagram post nitong Miyerkules ng gabi, July 14.

Matagal nang magkaibigan sina Jaclyn at Andoy dahil matagal na silang nagkatrabaho, kabilang sa pinagsamahan nila ay ang 2013 GMA Drama series na Mundo Mo’y Akin.

Sa paggunita ng unang anibersaryo ng pagbasura ng Kongreso sa franchise renewal ng ABS-CBN noong July 10, nagbigay ng pahayag si Andoy sa interview sa kaniya ng ABS-CBN showbiz reporter na si MJ Felipe.

Naging kontrobersyal ang pahayag ng direktor na tila may patama sa ibang network na may prangkisa.

Aniya, “Yun naman, so aanhin mo ang franchise kung basura naman ang trabaho, wow! Hahahaha! Grabe! I mean, di ba?

“Parang mas masarap na lang magtrabaho kahit bawas ang suweldo, kahit hindi laging may trabaho, pero alam mo na yung quality ng trabaho yung maibibigay mo sa audience mo ay ‘In the Service of the Filipino,’ we have responsibility to our audience.

“Kaya iyon ang ibibigay natin, hanggang dulo magkakasama tayo.”

Hindi naman pinalampas ni Jaclyn ang sinabi ni Andoy lalo pa’t kaibigan ang turing ng aktres sa kaniya.

Nag-post ang aktres sa Instagram ng isang quote photo kahapon, July 14.

Nakasulat sa quote, “I don’t fear the enemy who attack me, I fear the fake friend who still hug me.”

Sa caption, sinabi ng Kapuso actress na nalulungkot siya dahil ramdam niyang ang GMA-7 ang tinutukoy ni Andoy.

Isinulat ni Jaclyn: “Ang lungkot lang..mula pagpasok ng crew set up tent. Hanggang sa pagdating ng mga artista at nagkukumahog to be ready.

“Sa set up ng DOP, set designer, huhugot ang mga artista para ready at all times, maayos trabaho, pagod, pero masaya kasi alam naming nakagawa kami ng relevant scene for a day.

“Pinag-iisipan ng lahat kung ano ba ibibigay per sequence, lahat nagtatrabaho, walang hanggang trabaho.

“Lahat ginawa ko, pinagtrabahuan ko. Pinag-isipan ko, kahit ano pagod ginagawa namin makapagbigay ng maganda programa na hindi (BASURA).”

Sunod naman ay binanggit ni Jaclyn sa comments section ang isang direktor na nagsabing “may franchise nga, basura naman” matapos siyang tanungin ni Sandy Andolong.

Tanong ni Sandy, “Jane, Bakit friend? Hope you’re ok by now. Hug [hug emoji]”

Sagot naman ni Jaclyn, “May nagsabi kasi na director na may franchise nga, basura naman.. (I think body of work) wala naman may ibang franchise na halata kundi [GMA] 7.”

Sa comments section din ay ikinuwento ni Jaclyn ang hirap ng bawat isa sa produksyon.

“Lahat ng nasa production from EP to AP to PA to all the members of production hanggang utility, wardrobe on point.

“Hanggang sa kuwento, artista, director nagpapawis, nagpapakahirap makagawa lang ng napakaganda na panuurin. Pinaghihirapan po namin ang lahat ng lumalabas.”

Pagdidiin pa niya, “Hindi po kami basura.”

Hinangaan si Jaclyn ng kaniyang followers at pinuri siya dahil sa kaniyang pahayag at pagtatanggol sa GMA-7 at sa mga kasamahan niya sa trabaho.

Marami ang bumatikos kay Andoy, na malaki ang naging pakinabang sa GMA-7 dahil sa mga ibinigay sa kaniyang proyekto bago siya bumalik sa ABS-CBN bilang direktor ng mga TV series.

Kabilang sa mga naging proyekto ni Ranay sa Kapuso network ay ang First Time (2010), One True Love (2012), Mundo Mo’y Akin (2013), Ang Dalawang Mrs. Real (2014), at More Than Words (2014).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *