GMA Network, tatlong compelling stories ang handog sa 2nd half ng 2021!

Tatlong bagong kuwento ang handog ng Kapuso network ngayong ikalawang bahagi ng 2021.

Mula sa mabusising pag-conceptualize nito ng mga malilikhaing manunulat ng GMA Entertainment Group, handog ng GMA Network ang mga naiibang kuwento ng pag-ibig, pamilya, at pagtupad sa mga imposibleng pangarap.

Ang isa sa mga drama series ay tatalakay sa mga karapatan pangkababaihan, ang ikalawa naman ay patungkol sa natatanging pag-ibig na susubukin ng panahon, at ang pinakahuli, ay kuwento patungkol sa isang taong may pambihirang talino at kakayahan na syang gagamitin nya para maabot nya ang kaniyang mga pangarap.

Ang mga bagong handog na ito ay masusing pinag-isipan ng mga malikhaing manunulat ng GMA Entertainment Group na pinamumunuan ni Lilybeth G. Rasonable.

Apoy Sa Langit

Ipagpapatuloy ng GMA Network ang kanilang paghahatid ng mga seryeng may adbokasiya. Ang Apoy Sa Langit ay patungkol sa kakaibang kuwento ng pagtataksil na may kaugnayan sa pera at relasyon sa pamilya.

Bibigyang-diin ng serye ang katatagan ng dalawang babae na parehong biktima ng pagtataksil. Magtutulungan ang dalawa na ibulgar ang kasinungalingan at kasakiman ng taong nagkasala sa kanila.

Ang Apoy Sa Langit ay para sa mga manonood, lalo na sa mga kababaihan, dahil sa tema nito tungkol sa women empowerment. Ang palabas ay maghihimok sa mga kababaihan, anumang edad, na tumayo at labanan ang mga pang-aabuso sa kanila.

Maybe This Time

Ang Maybe This Time ay isang fantasy love story na nangyari noong pre-colonial era o noong panahon bago pa tayo sakupin ng mga Kastila. Ito ay umiikot sa kwento ng isang binata na isinumpang mabuhay nang walang hanggan upang hanapin ang kanyang nawawalang pag-ibig.

Habang lumilipas ang mga henerasyon, mas nagiging mailap para sa kaniya ang happy ending dahil nawawalan na siya ng choice kundi hintayin na lang ang babaeng kaniyang minamahal. Dahilan ba ang oras sa kaniyang walang katapusang paghahanap sa kaniyang minamahal sa buhay?

Abot Kamay Na Pangarap

Hindi lang inspirasyon ang hatid ng Abot Kamay Na Pangarap kundi pag-asa sa mga kapos sa oportunidad.

Ito ay iikot sa kuwento ng isang dalagang salat sa buhay at ang kaniyang inang hindi nakapag-aral. Habang sumusuong sa mga pagbabago sa kanilang buhay, masusubok naman ang kaniyang pagmamahal, kakayahan, relasyon sa pamilya, at pangarap.

Sa murang edad, nakitaan na ang dalaga ng angking talino at kakayahan sa kabila ng kawalan ng pormal na edukasyon. Naging daan ito para makakuha ng magagandang pagkakataon para makapag-aral and maabot ang kaniyang pangarap na maging isang doktor.

Marami sa ating mga Pilipino ang makaka-relate sa Abot Kamay Na Pangarap dahil sa pagpapahalaga nito sa edukasyon at pagsisikap sa kabila ng mga pagsubok at kakulangan sa buhay. HIgit sa lahat, binibigyang karangalan ng palabas ang mga propesyonal at nagbibigay inspirasyon din ito na ‘wag sumuko kahit pa sa panahon ng kahirapan.

Abangan ang Apoy Sa Langit, Maybe This Time, at Abot Kamay Na Pangarap sa GMA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *