GMA Network, most trusted news brand ng mga Pilipino

Ang media giant na GMA Network pa rin ang patuloy na pinaka pinagkakatiwalaang news brand ng mga Pilipino ayon sa Reuters Institute for the Study of Journalism’s Digital News Report (DNR) 2021.

Kabilang sa iba’t ibang media organizations sa Pilipinas, GMA Network ang nakakuha ng pinakamataas na brand trust score na 74 percent — na sinundan ng Manila Bulletin na may score na 69 percent, 68 percent naman ang score ng TV5 at The Philippine Star, at 66 percent naman ang Philippine Daily Inquirer.

Pang-anim naman ang flagship AM station ng GMA Network na Super Radyo DZBB na nakakuha ng 65 percent brand trust score.

Tiningnan rin sa DNR ang weekly reach ng iba’t ibang media outlets mapa-online man o offline. Lumalabas sa pag-aaral na ang GMA Network pa rin ang nangunguna sa TV, radio, at print, maging sa online category.

Sa pamamagitan ng 24 Oras at Saksi newscasts, kasama ang GMA News TV, nakapagtala ang GMA Network ng 59 percent weekly usage. Mas mataas ito kumpara sa news programs ng ABS-CBN na 40 percent lang ang nakuha.

Sa online, 53 percent naman ang nakuhang puntos ng GMA News Online, mas mataas kumpara sa ABS-CBN News na nakakuha ng 43 percent.

Samantala, napag-alaman din sa ginawang research na 87 percent ng respondents ay sa online (kabilang ang social media) nakasasagap ng mga balita, habang 78 percent naman ang gumagamit ng smartphones para maging updated sa balita.

Pinag-aralan rin ng Digital News Report 2021 ang epekto ng pandemya sa pagkonsumo ng mga balita at ang progreso sa pagtitiwala, misinformation, at patas na paghahatid ng mga balita ng iba’t ibang news publishers sa bansa ayon sa online poll na sinagutan ng 92,000 katao sa 46 media markets na isinagawa ng international market research agency na YouGov Plc.

Kabilang sa mga respondent ang 2,209 na Filipino internet users, edad 18 pataas.

Gayunpaman, ang nakuhang resulta mula sa ginawang survey sample ay nakuha lamang mula sa mga 2,209 na mga Pilipino na may access sa internet sa mga bansang may tala ng mababang internet connection at speed. Sa madaling salita, hindi gaanong accurate na sabihing bumababa na ang bilang ng TV audience sa Pilipinas dahil hindi naman kasama sa survey ang mga walang access sa internet.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *