GMA Network, binawi ang no. 1 spot sa nationwide ratings!

Sa pagsisimula ng selebrasyon ng GMA Network sa kanilang ika-70th anniversary, muling nabawi ng network ang top spot sa nationwide TV ratings.

Bahagyang naungusan ng ABS-CBN ang GMA mula March hanggang December 2019 sa nationwide ratings dahil na rin sa lakas ng iba nitong programa kagaya ng Kadenang Ginto, Ang Probinsyano, The General’s Daughter, at Starla.

Hindi rin gaanong malakas ang mga ipinalit na programa ng GMA-7 sa nagtapos na top-rating primetime series na Onanay ngunit unti-unting nakabangon ang network dahil na rin sa afternoon drama series at weekend programs.

Ayon sa pinakahuling datos mula sa Nielsen TV Audience Measurement, nakakuha ang GMA ng average total day people audience share na 34.7% sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM). Nalamangan nito ang 31.7% ng ABS-CBN.

Ang tagumpay ng Kapuso Network sa NUTAM ay resulta ng matataas na rating ng mga programa sa morning at afternoon blocks.

Sa umaga, nakapagtala ang GMA ng 28.8% na people audience share laban sa 27.4% ng kabilang network.

Sa tanghali naman, mas malaki ang lamang ng GMA kung saan nakakuha ito ng 37.7% kumpara sa 31.4% ng ABS-CBN.

Pagdating naman sa gabi ay gitgitan ang laban kung saan lumamang lang ng 1.2% ang GMA sa kalabang network. Nakakuha ang GMA ng 34.8%, samantalang 33.6% naman ang nakuhang audience share ng ABS-CBN.

Pinakatinangkilik ang GMA ng mga manonood mula sa Mega Manila at Urban Luzon kung saan kumakatawan ito sa 57% (Mega Manila) at 72% (Urban Luzon) ng mga urban viewers sa buong bansa.

Sa Urban Luzon, nakapagtala ang GMA ng 36.7% people audience share sa buong araw; tinalo ang 29.1% ng ABS-CBN.

Ayon sa official data mula January 1 hanggang 25, napanatili ng Kapuso Network ang pagkapanalo nito sa Mega Manila kung saan mataas ang lamang ng network laban sa kabilang istasyon. Nakakuha ang GMA ng 37.1% laban sa 27% ng ABS-CBN.

Mas marami rin ang mga GMA show na nakapasok sa List of Top Programs ng NUTAM noong Enero. Ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), na hindi matalu-talo noong 2019, ay nanatili sa top spot.

Maging sa listahan ng top 30 programs sa Urban Luzon ay 19 GMA shows ang nakapasok sa Overall Top 30; 20 GMA shows naman sa Mega Manila.

Maliban sa KMJS, nagre-rate din ng mataas ang mga programa ng GMA-7 kabilang na ang Magpakailanman, 24 Oras, Pepito Manaloto, Daig Kayo ng Lola Ko, Daddy’s Gurl, The Gift, Beautiful Justice, Amazing Earth, One of the Baes, Prima Donnas, Eat Bulaga, Kapuso Movie Night, 24 Oras Weekend, Magkaagaw, Wowowin, Bubble Gang, Madrasta, Tadhana, at Imbestigador.

Mayroong 37 kliyente o subsciber ang Nielsen TV Audience Management na kinabibilangan ng mga local TV network, regional clients, blocktimers, advertisers, at mga agency.

Stay tuned Boredmates for more updates! If you like this content, please like our Facebook page to catch up with the latest trends in the Entertainment Scene. You may also subscribe to our YouTube Channel to watch our upcoming videos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *