GMA-7, patuloy ang pamamayagpag sa ratings nitong weekend; ABS-CBN, maraming paandar kahit walang prangkisa!

Ngayong balik na naman tayo sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), marami na naman ang natengga sa kani-kanilang bahay.

Tumutok naman kaya sila sa telebisyon nitong nagdaang weekend? Inabangan kaya nila ang TV comeback ni Kris Aquino sa GMA-7?

Ayon sa datos mula sa NUTAM People Ratings ng Nielsen Philippines, may mga programang tumaas ang rating at mayroon ding bumaba.

Noong nakaraang Sabado, August 7, tumaas ang 24 Oras (10.6%) at Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento (13.2%).

Bahagyang bumaba naman ang Catch Me Out Philippines na naka-11.2% at ang Magpakailanman na naka-13.6%.

Samantala, ang mga katapat naman nitong programa sa ibang channel ay halos ganoon pa rin ang ratings.

Ang sitcom na Puto sa TV5 ay naka-1.7%. Ang Rated Korina sa A2Z ay naka-1.4% naman. Mas mataas pa ang nakuhang rating ng My Fantastic Pag-ibig sa GTV na naka-1.8% kahit mahina rin ang signal reach nito.

Naka-3.4% naman ang Rolling In It ng TV5, at naka-2.7% naman ang Everybody Sing ni Vice Ganda sa A2Z. Bahagyang bumaba rin ang The Wall (TV5) na naka-2.9%.

Samantala, ang Encounter nina Cristine Reyes at Diego Loyzaga sa TV5 ay naka-1.2%. Katapat nito ang Nesthy Petecio story sa Maalaala Mo Kaya na naka-2.1%.

Tinutukan naman ang Shopee special show nina Willie Revillame at Kris Aquino kahit Sunday morning ito ipinalabas. Nakapagtala ito ng 4% noong Linggo na sinundan ng All-Out Sundays na naka-4.3%.

Naka-4.4% naman ang GMA Blockbusters, laban sa 3.1% ng FPJ Da King.

Ang Dear Uge naman ay naka-4.7%, at 1% naman ang katapat nitong Ipaglaban Mo.

Consistent naman na mataas ang ratings ng GMA News and Public Affairs programs na Stories of Hope na naka-5.2% at ang On Record na naka-7.2%.

Pagdating naman sa primetime kung saan mas marami ang nakakapanood ng TV, mataas pa rin ang 24 Oras na naka-12.4%. Tumaas din ang Daig Kayo ng Lola Ko na naka-14.5%, samantalang 2.3% ang nakuha ng Everybody Sing.

Panalo rin sa ratings ang Amazing Earth ni Dingdong Dantes na naka-17.6%. Ganundin ang Kapuso Mo, Jessica Soho na naka-19.4%. Mataas rin ang nakuha ng The Boobay and Tekla Show na naka-4.9% pa kahit sobrang gabi na.

Saturday, August 7

24 Oras (GMA) – 10.6%
Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento (GMA) – 13.2%
Rated Korina (A2Z) – 1.4%
Puto (TV5) – 1.7%
My Fantastic Pag-ibig (GTV) – 1.8%

Catch Me Out Philippines (GMA) – 11.2%
Rolling In It (TV5) – 3.4%
Everybody Sing (A2Z/Kapamilya Channel) – 2.7%

Magpakailanman (GMA) – 13.6%
Encounter (TV5) – 1.2%
Maalaala Mo Kaya (A2Z/Kapamilya Channel) – 2.1%

Sunday, August 8

Shopee 8.8 Mega Flash Sale TV Special (GMA) – 4%

All-Out Sundays (GMA) – 4.3%
ASAP Natin ‘To (A2Z/Kapamilya Channel/TV5/Jeepney TV) – 2.6%

GMA Blockbusters (GMA) – 4.4%
FPJ Da King (A2Z/TV5/Kapamilya Channel) – 3.1%

Dear Uge (GMA) – 4.7%
Stories of Hope (GMA) – 5.2%
On Record (GMA) – 7.2%
Ipaglaban Mo (A2Z/Kapamilya Channel) – 1%

24 Oras (GMA) – 12.4%

Daig Kayo ng Lola Ko (GMA) – 14.5%
Everybody Sing (A2Z/Kapamilya Channel) – 2.3%

Amazing Earth (GMA) – 17.6%

Kapuso Mo, Jessica Soho (GMA) – 19.4%

The Boobay and Tekla Show (GMA) – 4.9%

ABS-CBN, maraming paandar kahit walang prangkisa

Malinaw na panalo ang GMA-7 pagdating sa ratings. Makikita nga sa datos ng Nielsen Philippines na kahit pagsamahin pa ang ratings nito sa A2Z, TV5, Kapamilya Channel, Jeepney TV at iba pa nilang cable channels ay kitang-kita ang lamang ng GMA.

Ganunpaman, tuluy-tuloy ang mga paandar ng ABS-CBN kahit wala itong prangkisa.

Nagsimula na kahapon, August 9, ang “Madlang Pi-Poll” segment ng It’s Showtime na mapapanood mula Lunes hanggang Sabado.

Dumarami rin ang sumasali sa live interactive game nila na umabot sa 62,665 home viewers out of 11M followers noong August 7.

Noong Sabado nga ay tatlo ang naghati-hati sa premyong P70,000.

Sa “Madlang Pi-Poll,” maaaring makisagot ang viewers sa mga tanong at manalo ng mga papremyo gamit lamang ang kanilang laptop o mobile device.

Basta Filipino na naninirahan sa Pilipinas, edad 18 pataas at may valid ID ay maaaring maglaro sa segment.

Bukod sa “Madlang Pi-Poll” segment ng It’s Showtime, ipinagmamalaki rin ng Kapamilya na streaming na sa Netflix Philippines ang teleseryeng Ang Sa Iyo Ay Akin, na may English title na The Law of Revenge.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *