‘False Positive’ nina Xian at Glaiza, ‘di tuloy?!

Wala pang kumpirmasyon mula sa GMA Entertainment Group, pero ang latest na nabalitaan namin ay iuurong ang airing ng drama series nina Xian Lim at Glaiza de Castro na False Positive.

Ngayong February dapat ang airing nito para sa GMA Telebabad, pero ang huling nabalitaan namin ay sa June na raw ito itutuloy. Matagal na itong tapos at handang-handa na ang production staff na i-ere ito, pero biglang nabago diumano ang desisyon.

Nagtataka nga kami bakit parang palaging nagkakaroon ng problema ang project ni Xian sa GMA-7.

Akala nga namin mauudlot na ang pagiging Kapuso ni Xian nang tumigil ang taping ng drama series nila ni Jennylyn Mercado dahil sa pagbubuntis ng aktres.

Pero binigyan rin agad ng kapalit na project ang aktor at ito na nga ang False Positive kasama si Glaiza.

Ngayong araw dapat ang mediacon nito, pero biglang nasabihang hold na muna dahil inilipat na raw ng June ang airing.

Ayon sa ilang napagtanungan namin, ibibigay raw muna kasi nila ang timeslot na ito sa ikalawang installment ng Mano Po Legacy.

Magsisimula pa lang ang First Lady sa Lunes, tapos meron pang naka-schedule na Widow’s Web, at ang isusunod na ay ang Mano Po na tampok sina Bianca Umali, Ken Chan, at Kelvin Miranda.

Kaya naurong daw nang naurong hanggang June na itong False Positive. Okay naman daw kay Xian dahil abala naman siya ngayon sa ginagawa niya sa Viva.

Katatapos lang niya ng Bahay na Pula for Vivamax kasama sina Julia Barretto at Marco Gumabao ni direk Brillante Mendoza.

Pinaghahandaan na rin daw ngayon ni Xian ang pelikulang ididirek niya para sa Vivamax.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *