Emil Sumangil, Patricia Tumulak, at Kim Atienza, mapapanood sa news magazine show na ‘Dapat Alam Mo!’ ng GTV

Simula sa October 18, parehong ihahatid ng GMA Public Affairs ang Serbisyong Totoo at good vibes sa mga manonood sa paglunsad nila ng bago at fast-paced news magazine program na Dapat Alam Mo! na araw-araw mapapanood tuwing 5:30 p.m. sa GTV.

Sina Emil Sumangil, Patricia Tumulak at ang bagong Kapuso na si Kuya Kim Atienza ang news anchor ng Dapat Alam Mo!

Isa sa pinakamatagal na reporters ng GMA News, bitbit ni Emil ang kaniyang dalawang dekadang experience sa broadcast journalism.

Itinuturing si Emil na beterano na sa pag-cover ng police beat matapos ang naglalakihang headlines sa buong araw. Dahil sa nauuna siyang sumuong kung nasaan ang balita ang mga ulat niya ay naghahatid sa mga manonood ng malapitang view sa mga conflict at suliranin ng mga personalidad at mga pangkaraniwang mamamayan na kaniyang ikino-cover.

Bilang news anchor ng Dapat Alam Mo!, hindi lang balita ang ihahatid ni Emil kundi maging ang Serbisyong Totoo para sa mga manonood na nangangailangan ng tulong.

“Ever since I started in the industry, nais ko nang ipadama sa taumbayan na ang paghahatid ng balita ay hindi lang para sa impormasyon, kundi para maghatid din ng serbisyong publiko,” ani Emil.

“Dito sa programang Dapat Alam Mo!, naglaan kami ng oras para tugunan ang mga hinaing na ‘yan ng ating mga kababayan.”

Tatawagin ni Emil ang atensyon ng mga awtoridad at mga concerned group para maresolba ang mga concern ng viewers. At sa oras ng kalamidad, pangununahan niya ang programa para makipag-coordinate sa gobyerno at mga pribadong grupo para sa rescue and relief operations.

“Galing na ako sa iba’t ibang sulok ng bansa, marahil lahat na rin ng klase ng tao ay aking nakasalamuha. Kahit papaano, tumatak na sa isipan ko ang kanilang pinagdaraanan at pangunahing pangangailangan.

“Sa ganitong paraan, mas komprehensibo nating malilikha ang isang istorya na siyempre daglian natin ipaparating sa mga kinauukulan,” dagdag niya.

Samantala, isang pamilyar na mukha sa telebisyon, yayakapin ni Patricia ang panibagong yugto sa kaniyang career bilang isa sa host ng Dapat Alam Mo!. Makakasama niya si Emil na maghahatid ng light, feel-good features na tiyak na maghahatid inspirasyon at entertainment.

Hindi naman makapaniwala si Patricia at labis na natuwa nang malaman niyang magiging bahagi siya ng programa.

Aniya, “As soon as I got the call, I cried a bucket of tears. I went straight to my parents and told them the great news. Words cannot express how grateful I am for the opportunity!”

Answered prayer ang Dapat Alam Mo! para sa kaniya. “It’s always been my dream to become an anchor for GMA News and Public Affairs. This is what I’ve prayed for, envisioned, and dreamed about. I am beyond blessed,” pagbabahagi niya.

Isang proud talent ng GMA Artist Center, kamakailan lang ay nag-renew siya ng kaniyang kontrata bilang isang Kapuso sa katatapos lang na Signed for Stardom event.

Napanalunan niya ang titulong Miss Philippines Fire sa Miss Philippines Earth noong 2009 at isa siya sa top 15 finalists ng Binibining Pilipinas pageant noong 2011.

Noong 2015, binansagan siyang “HBD Girl” nang maging bahagi siya ng longest-running noontime variety show na Eat Bulaga. Lumabas na rin siya sa ilang Kapuso shows tulad ng 24 Oras, Wowowin, Magkaagaw, Super Ma’am, at Contessa.

Kumukumpleto sa fresh team-up sa Dapat Alam Mo! ay isang versatile host, triathlete, wellness and biodiversity advocate, ang Kuya ng Bayan, si Kim Atienza.

Siya naman ang maghahatid ng iba’t ibang trivia at kaalaman sa mga manonood.

Bilang bagong Kapuso, nakikita ni Kuya Kim ang Dapat Alam Mo! bilang isang bagay na talagang kaniyang mae-enjoy.

“I look forward to years and years of fun and purpose and public service. This is not work, I can see that it will be so much fun,” aniya.

Dagdag pa niya na nilu-look forward niya ang mga pagsasamahan nila araw-araw nina Emil at Patricia sa paghahatid ng Serbisyong Totoo at good vibes sa publiko.

“There’s also so much to learn from them. It’s the first time that I’m working with Emil and Patricia and I can see that they are very skilled at their work as well. So we will grow together,” sabi niya.

Dagdag pa ni Kuya Kim na ang Dapat Alam Mo! ay isang palabas na mae-enjoy ng viewers na panoorin araw-araw. “I’m really excited for it because the format is something else,” pagtatapos niya.

Dahil sa kaniyang 17 years na career sa broadcast industry, nakilala si Kuya Kim sa paghahatid ng weather updates na talagang kawili-wili, dagdag pa ang iba’t ibang trivia na kaniyang ibinabahagi sa mga manonood.

Siya rin ay inspirasyon sa mga tao upang mamuhay ng healthy dahil sa kaniyang pagmamahal sa sports.

Kilalang advocated ng wildlife preservation, ginagamit rin ni Kuya Kim ang kaniyang impluwensya para palaganapin ang awareness sa pagprotekta ng kalikasan.

Ang Dapat Alam Mo! ang magsisilbing isa sa mga una niyang proyekto sa Kapuso Network.

Wagi ang may alam. ‘Wag palampasin ang Dapat Alam Mo! weekdays tuwing 5:30 p.m. sa GTV, simula sa October 18.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *