Dreamscape at JRB Creative, nag-aagawan sa natirang big stars ng ABS-CBN?

Ipinakilala na ng Dreamscape Entertainment ang cast ng upcoming Philippine adaptation ng South Korean drama series na Flower of Evil nito lang Linggo, November 21.

Pagbibidahan ito ni Piolo Pascual at bagong Kapamilya star na si Lovi Poe. Makakasama nila rito sina Robert Seña, Epy Quizon, Jett Pangan, Pinky Amador, Kit Thompson, Agot Isidro, Rita Avila at Denise Laurel.

Dumalo ang cast sa story conference na ginanap sa ABS-CBN compound noong Linggo.

Hindi naman nakadalo sa event, inanunsyo ng Dreamscape Entertainment na bahagi ng cast sina Joross Gamboa at Edu Manzano ng naturang serye.

Ang suspense drama ang kauna-unahang team up nina Piolo at Lovi, at ito rin ang unang project ng aktres bilang Kapamilya talent, pero ikalawang project sa ABS-CBN matapos ang iWant movie na Malaya.

Ang Flower of Evil ay tungkol sa isang lalaki na may itinatagong madilim na nakaraan sa kaniyang asawang detective.

Pinagbidahan nina Lee Joon-Gi at Moon Chae-Won ang orihinal na South Korean version.

Hindi pa inaanunsyo ng ABS-CBN kung kailan ipapalabas ang Filipino version ng Flower of Evil.

Dreamscape Entertainment versus JRB Creative Production

Kung maraming bigating artista ng ABS-CBN ang bumibida ngayon sa mga produksyon ng Dreamscape Entertainment tulad ng FPJ’s Ang Probinsyano, Huwag Kang Mangamba, Marry Me, Marry You, at The Broken Marriage Vow, tila kabaliktaran naman ito ngayon sa isa pang production unit ng ABS-CBN na JRB Creative Production.

Noong October 5, ipinakilala ng JRB Creative Production ang cast ng isa sa pinakaaabangang teleserye, ang Darna: The TV Series.

Dahil sa halos isang dekada na ito sa pre-production stage, marami ang nag-expect na pawang mga bigating artista ang bibida sa naturang serye, pero ikinagulat ng netizens na mas marami sa cast ang hindi kilala at special participation lang ang mga premyadong artista.

Kung tutuusin, hindi naman palaging ganito kasablay ang casting ng JRB Creative dahil ang JRB rin ang nasa likod ng Ang Sa Iyo Ay Akin Season 1 and 2.

Hindi mo rin namang masasabing nagtitipid kasi ang ABS-CBN kaya hindi sila kumuha ng mga bigating artista para sa nasabing project dahil ang Dreamscape ay nakakakuha ng isang Jodi Sta. Maria, Piolo Pascual, Lovi Poe, Janine Gutierrez, Rita Avila, Agot Isidro, at marami pang iba.

May ipitan bang nagaganap sa dalawang production units ng ABS-CBN dahil sa JRB napunta ang produksyon ng Darna: The TV Series?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *