DJ Durano, inamin ang dahilan ng pag-alis sa ABS-CBN noong 2014

Sa ABS-CBN nagsimula ang showbiz career ni DJ Durano noong 2001. Mula sa bit roles, nabigyan rin siya ng substantial roles.

Hindi mabilang ang mga proyekto niya sa ABS-CBN na karamihan ay supporting roles.

Dahil dito, sobra raw ang “gratitude” niya sa ABS-CBN dahil doon siya nagsimula.

Pero noong 2014, nagdesisyon si DJ na lisanin ang kaniyang dating home network at lumipat sa GMA Network.

Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil nabibigyan pa rin siya ng mga proyekto sa GMA-7.

“Wala na akong mahihiling pa sa industriya. Ngayon, I’m still working with GMA, hindi alam ng iba [na] lumipat na ako sa GMA around 2014-2015 pa,” kuwento ni DJ sa isang panayam sa kaniya.

“Matagal na ako sa GMA. I’ve been doing Dragon Lady, Pyra…

“Kaya lang, hindi kasing busy noon kasi namimili na ako ng roles, kasi naging busy din ako sa family and business.”

Busy ngayon si DJ dahil bahagi siya ng cast ng upcoming GMA Public Affairs series na Lolong, na pagbibidahan ni Ruru Madrid.

Samantala, isiniwalat ni DJ na isa sa mga rason niya kung bakit umalis siya sa ABS-CBN ay dahil sa “maraming issues.”

Pag-amin ng aktor, “I was not getting respect anymore.

“Marami lang naging issues na hindi na rin ako naging masaya. And I was not getting the right roles na rin siguro.

“Napunta rin ako sa tamang istasyon siguro,” pagtukoy niya sa paglipat sa GMA Network.

Pero paglilinaw ng aktor tungkol sa dati niyang home network, “But up to now, wala pa rin akong masabi. Thank you pa rin sa ABS. Ganoon lang ako.”

Hindi rin daw makakatulong kung kakalkalin pa ang mga naging isyu niya.

“Ayoko lang magpakakontrobersyal. Mahirap. I don’t want to burn bridges,” paliwanag pa niya.

Inusisa rin ang aktor kung nagpaalam ba siya sa ABS-CBN noong lilipat siya ng network.

Nagsabi daw siya sa dalawang ABS-CBN executives noon tungkol sa kaniyang pag-alis.

“Wala naman silang sinabi. So, I guess, wala nga. Kasi wala naman silang sinabi sa akin na, ‘Wag kang umalis’ or whatever.

“So, I guess, hindi na nila ako kailangan doon after Direk Wenn passed away.

“So, it’s my time to find my own sunshine.”

Ang tinutukoy ni DJ na “Direk Wenn” ay ang mentor at manager niya noong si Wenn Deramas, na pumanaw noong February 29, 2016.

Hindi naman daw siya nagsisi sa desisyon niyang lumipat sa GMA-7.

Aniya, “Sobra akong happy sa GMA. Lalo na I’m with Artist Circle [management] with Sir Rams David. I’m being taken care of very well, may respect.”

DJ Durano, nagsalita sa paglipat ng ibang Kapamilya stars sa ibang network

Hindi na inabot si DJ sa pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN noong 2020, kaya masasabing masuwerte siya dahil hindi siya na-bash ng loyal Kapamilya fans tulad ng inabot ng ibang Kapamilya stars na lumipat sa ibang istasyon.

Nang hingan ng reaksyon dito si DJ, nauunawaan daw niya ang ibang Kapamilya artists kung nagdesisyon man silang lumipat sa ibang TV networks.

Ani DJ, “It’s a 2-way street, eh. Kung pinasikat sila ng network, kumita din naman ‘yung network sa kanila.”

Pero paglilinaw niya, hindi raw ibig sabihin nito ay hindi na grateful ang mga artistang lumipat dahil kailangan rin naman nilang kumita para sa pamilya nila.

Dagdag niya, “May sariling utak din siguro ‘yung tao.

“Kunwari, wala ka nang kinakain at dalawang taon ka nang [naapektuhan ng] pandemya, at nakasarado ang istasyon mo, at hindi ka na nasusuwelduhan ng tama, you have your own choice.

“Let’s face it. We all have to live. We all have to eat.

“Kumbaga, kung wala nang naibibigay sa iyo sa dami nila doon, at kung puro Showtime na lang pinapalabas nila doon, at puro teleserye online na lang, siguro naman [they] have to work for their families, lalo na marami silang pinapakain.”

Hindi rin maitago ni DJ ang kaniyang excitement sa posibilidad na makatrabaho ang mga dating Kapamilya stars tulad nina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, at Maja Salvador.

“Actually, talagang sobrang excited ako kasi mas malaki ‘yung chances na makatrabaho sina Maja, John Lloyd, Bea.

“Sobrang excited this time ’cause ibang network, mas fresh, mas marami kaming magagawa. So, eto, siguro sana magkatsansa uli in the future.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *