Dismayado sa maruming politika: Willie Revillame, inamin kung bakit hindi tutuloy sa pagtakbo sa eleksyon

Hindi tatakbo sa kahit anong posisyon ang Kapuso host na si Willie Revillame sa darating na May 2022 elections.

Sa episode ng Tutok to Win sa Wowowin nitong Huwebes, ipinalabas ang isang mahaba-habang video clip kung saan makikita ang pagiging mapagbigay ni Willie sa masa sa loob ng maraming taon.

Samantala, sinabi ni Willie na hindi siya tatakbo at tinuldukan na ang mga ispekulasyon na tatakbo siya sa pagka-senador.

“Hindi ko po kailangan kumandidato. Hindi ko po kailangang manalo. Ang kailangan ko po ay makasama kayo. Dahil sa puso ko, sa isip ko, dapat laging ang mga Pilipino ang panalo,” aniya.

“Ako po si Wilfredo Revillame, nanunumpa sa inyo, dito lang ako sa Wowowin para magsilbi sa inyo,” dagdag niya.

Nauna nang nakatanggap si Willie ng video greeting mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na kinukumbinse siyang tumakbo bilang senador.

Ayon kay WIllie, nagdesisyon siyang tanggihan ang offer ng pangulo dahil una, hindi niya gusto ang dumi ng mundo ng politika at ikalawa, pakiramdam niya ay hindi siya qualified para sa public office dahil hindi naman siya nakapagtapos sa pag-aaral at hindi siya nag-aral ng public governance.

“Sa nakikita ko ho ngayon, nakikita kong ‘di nagkakasundo, nakikita kong nagbabangayan, nakikita kong pataasan ng ere, hanapan ng dumi, ‘di ba? Sabi ko napakahirap pasukin ang isang bagay na ganito ang papasukin ko,” sabi niya.

“Nalulungkot ako kasi awayan kayo ng awayan. Binoto kayo ng sambayanan pero ‘yan ang napapanood ng lahat ng Pilipino.

“Hindi ho ba nakakalungkot na isa kang senador nakikipag-away ka? Isa kang president, may kaaway ka?

“Ako isa sa mga taxpayer na mataas ang binabayad ko. Kung malalaman n’yo lang. Nasasaktan ako eh, dahil bumoto ako sa mga taong ‘to pero ‘yan ang nakikita ko.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *