Digital concert ni Regine, nakalikom ng malaking halaga

Hindi man katulad ng kanyang mga nagdaang concert, ang special digital concert ni Regine Velasquez-Alcasid na pinamagatang “One Night with Regine” ay nagmarka bilang isa sa mga di malilimutang live shows ng Asia’s Songbird.

Isinabay ni Regine ang kanyang birthday celebration sa kanyang fundraising campaign para sa Bantay Bata 163. Ang nasabing event ay nakalikom ng kabuuan Php 4,285,534.92 nang matapos ang palabas.

Ang event ay ni-live stream mula sa bahay nila ni Ogie Alcasid sa Quezon City at napanood sa Facebook page at YouTube Channel ng ABS-CBN noong Sabado, April 25.

Ang event na ito ay itinuturing na repeat ng hindi malilimutang concert ni Regine noong 2002 na “One Night With Regine” sa National Museum grounds, na isa ring fundraising campaign para sa Bantay Bata 163.

One Night with Regine

Karamihan sa mga itinampok ay mga cover songs na inspirational, gospel tunes, contemporary hits, unforgettable classics, kasama ang ilan sa kanyang mga awit, na sinamahan ng bagong arrangement at interpretasyon, kung saan na-highlight ang hindi matatawarang vocal range ng singer.

Kasama ni Regine via livestream ang musical director na si Raul Mitra na nag-piano sa ibang lokasyon. Nagsimula ang digital concert ni Regine sa kanyang sariling bersyon ng awiting “Somewhere Over The Rainbow” na isang iconic song mula sa pelikulang Wizard of Oz.

Sinundan naman ito ng kanyang cover ng kantang “With A Smile” ng Eraserheads para patatagin ang kalooban ng mga frontliner na humaharap at nagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan ng medical attention sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Highlight din sa palabas ang duet nina Regine at Lea Salonga. Inawit nila ang mga awiting “I Don’t Know How to Love Him” mula sa Jesus Christ Superstar, “What I Did for Love” mula sa A Chorus Line, at “Someone Like You” na mula naman sa Jekyll & Hyde.

Regine Velasquez-Alcasid and Lea Salonga

Inawit ng Asia’s Songbird ang kanta ni Eric Carmen na “Love Is All That Matters” bilang pagtatapos ng kanyang online concert.

Bagamat tapos na ang “One Night With Regine” digital concert, maaari pa ring mag-donate ang mga taong interesadong tulungan ang mga batang kapuspalad na nasagip, na ngayon ay nasa pangangalaga ng Bantay Bata. Bisitahin lang ang link na ito: http://bantaybata.abs-cbn.com.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *