‘Darna’ ni Jane de Leon, makakalipad na?

Patuloy pa rin ang mga maaksyong tagpo sa Kapamilya action-series na FPJ’s Ang Probinsyano, na napapanood Lunes hanggang Biyernes sa primetime block ng Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Isasantabi muna nina Lia (Jane de Leon) at Cardo (Coco Martin) ang hindi nila pagkakaunawaan para mailigtas ang ate ni Lia na si Audrey (Aya Fernandez).

Hawak kasi si Audrey ng mga tauhan ni Enrique Vera (Simon Ibarra) na isang drug lord at dating kliyente ng ama nina Lia at Audrey na si Fernando (Christian Vazquez).

Ginawa ito ni Enrique para makaganti kay Fernando matapos nitong talikuran ang mga ilegal na gawain.

Pupuntahan ni Enrique ang bahay ni Fernando upang takutin, pero wala siyang kamalay-malay na naroon pala nakatago si Cardo at ang Tas Force Agila.

Makuha kaya nina Cardo at Lia si Audrey mula sa kalaban?

Samantala, may kumakalat na balitang ikinakasa na ang pagtatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano at isang kilalang aktor daw ang kinukuha para sa napakahalagang papel sa pagwawakas ng kuwento ni Cardo Dalisay.

Kung totoo man ito, matutuloy na kaya ang paglipad ni Jane sa Mars Ravelo’s DARNA: The TV Series?

Noong July 17, 2019 pa inanunsyo ng ABS-CBN na si Jane na ang bagong Darna, bilang kapalit ni Liza Soberano.

Dalawang taon na ang lumipas, wala pa rin ang launching project sana ni Jane at pansamantala siyang inilagay sa teleserye ni Coco.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *