‘Darna’ ni Jane de Leon, apektado ng pagtitipid ng ABS-CBN?

Inanunsyo na ngayong Biyernes, November 19, ang gaganap na mortal na kaaway ng Pinay superhero na si Darna at ito nga ay si Janella Salvador.

Nagsimula na ang lock-in taping ng inaabangang Darna: The TV Series ng ABS-CBN noong Lunes, November 15, sa ABS-CBN Studios, Inc. sa Quezon City.

Ito ang magsisilbing biggest break ng Kapamilya actress na si Jane de Leon, na unang napanood sa pelikulang Ex with Benefits (2015) na pinagbidahan nina Derek Ramsay at Coleen Garcia.

Jane de Leon with Derek Ramsay

Naging matunog ang pangalan ni Jane noong July 2019 nang ianunsyo ng ABS-CBN na siya ang papalit kay Liza Soberano bilang bagong Darna.

Pero noong May 2020, ipinag-utos ng National Telecommunications Commissions (NTC) sa pamamagitan ng Cease and Desist Order (CDO) na ihinto ng ABS-CBN ang paggamit ng frequency nito matapos mag-expire ang kanilang prangkisa.

Ibinasura naman ng Committee on Legislative Franchises ng House of Representatives ang mga franchise bills na inihain para mabigyan ng panibagong prangkisa ang dating media giant.

70 kongresista ang bumoto na huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN dahil sa mga nakita ng Technical Working Group (TWG) na paglabag umano sa prangkisa nito. 11 lamang na kongresista ang pumabor sa ABS-CBN.

Dahil dito, tuluyan nang lumabo ang pagbabalik ng ABS-CBN sa Free TV kaya naman mas pinalakas na lang nito ang kanilang digital reach at pumasok sa blocktime agreement with ZOE Broadcasting at TV5.

Gayunpaman, mas lumaki ang operating expenses ng ABS-CBN kaya napilitan itong magbawas ng empleyado, bawasan ang sahod ng mga empleyado, at magsangla ng ilang real properties at equipments sa Mega Manila para makapag-secure ng P14.56 billion upang hindi ma-default ang P27 bilyong short-term and long-term loans nito sa mga bangko.

ALSO READ: ANC Rockwell Studio at ABS-CBN sound stages, naka-collateral na?
ALSO READ: ABS-CBN, P27 bilyon na ang utang

Sa ikatlong quarter naman ng 2021, nagawa ng ABS-CBN na paliitin ang lugi nito kumpara sa naunang dalawang quarter ng taon sa pamamagitan ng mga ginawa nitong “cost cutting measures.”

Samantala, kapansin-pansin naman na wala masyadong bigating artista ang kasama sa cast ng upcoming Kapamilya fantasy series ng ABS-CBN na Darna: The TV Series.

Matatandaan na dalawang beses na ring nagkaroon ng TV adaptation ang GMA-7 ng iconic Pinay superhero.

Bumida ang baguhan noong aktres na si Angel Locsin sa unang Darna series ng GMA-7 noong 2005. Suportado siya ng mga batikan at beteranong artista, kabilang sina Eddie Garcia, Christopher de Leon, Celia Rodriguez, Gina Pareño, Sandy Andolong, Caridad Sanchez, Carmina Villaroel, Tonton Gutierrez, Maureen Larrazabal, Karen delos Reyes, at Alessandra de Rossi.

Ilang produkto rin ng StarStruck ang nakasama sa cast nito tulad nina Katrina Halili, Cristine Reyes, Ryza Cenon, C.J. Muere, at Nadine Samonte.

May special participation din sina Lorna Tolentino, Lani Mercado, Cogie Domingo, Ara Mina, Alice Dixson, Rochelle Pangilinan, Iya Villania, Charee Pineda, Sid Lucero, Anita Linda, at Maggie Wilson.

Si Marian Rivera naman ang bumida sa ikalawang Darna series ng GMA-7 noong 2009. Tulad ng Darna ni Angel, marami ring batikang artista ang kasama sa cast ng Darna ni Marian tulad nina Angel Aquino, Caridad Sanchez, Celia Rodriguez, Eddie Garcia, Regine Velasquez, Ricky Davao, Gabby Eigenmann, Jestoni Alarcon, Rita Avila, Janice de Belen, at marami pang iba.

Kaya naman hindi rin maiwasan na maikumpara ang cast members ng naunang dalawang Darna series sa bagong Darna adaptation ng ABS-CBN.

Iilan lang kasi sa cast nito ang maituturing na household name na sa showbiz tulad nina Iza Calzado, Zaijan Jaranilla, Joshua Garcia, at Rio Locsin — the rest ay hindi na masyadong kilala.

Dagdag pa rito ang napaulat na unang dalawang linggo lang ng Darna: The TV Series ang ididirek ng beteranong direktor na si Chito Roño.

Mukhang apektado nga talaga ng pagtitipid ng ABS-CBN ang project na ito na halos isang dekada pa namang inabangan.

Sayang din yung mga eksenang nakunan na ni Direk Erik Matti at Jerrold Tarog, mukhang promising pa naman ‘yun.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *