‘Darna’ ng ABS-CBN, nanganganib matulad sa ‘Dyesebel?’

Nagsimula na ngayong araw, November 15, ang taping ng Darna: The TV Series ng ABS-CBN sa ABS-CBN Studios, Inc. sa Quezon City.

Bibida rito ang Kapamilya actress na si Jane de Leon bilang Darna at ididirehe naman ito ni Chito S. Roño (Lastikman, Imortal).

Makakasama ni Jane sa series sina Joshua Garcia, Zaijan Jaranilla, Levi Ignacio, Richard Quan, Mark Manicad, Joj Agpangan, Young JV, L.A. Santos, Yogo Singh, Marvin Yap, Tart Carlos, Gerald Acao, Simon Ibarra, Kiko Estrada, at Rio Locsin. May special participation rin ang aktres na si Iza Calzado bilang unang Darna na magpapasa ng bato kay Narda.

Sa press conference noong February 5, sinabi ni Jane na ang bagong Darna ay “very modern” at ang kaniyang Darna character ay “very millenial.”

Ipoprodyus ng JRB Creative Production at nakatakda umanong mag-taping sa ABS-CBN Soundstage (Horizon IT Park) sa San Jose del Monte, Bulacan ngayong Nobyembre pero sa ABS-CBN Studios lang sa Quezon City ang unang araw ng kanilang taping.

Samantala, dahil sa nag-leak na costume umano na susuotin ni Jane sa series, nangangamba ang netizens na baka raw matulad ito sa kinahinatnan noon ng Dyesebel (2014) ni Anne Curtis.

Maganda ang naging performance ng pilot week ng Dyesebel ni Anne pero kalaunan ay tinalo rin ito ng Niño (2014) at Kambal Sirena (2014) ng GMA-7.

Naging paksa ng katatawanan noon ang ilang eksena ng Dyesebel na ginawan pa ng mga meme.

Matatandaan namang noong 2019 pa inanunsyong si Jane na ang gaganap na bagong Darna matapos mag-back out nina Angel Locsin noong 2015 at Liza Soberano noong 2019 dahil sa injury sa training.

Ilang direktor na rin ang humawak ng project, sina Direk Erik Matti at Jerrold Tarog, bago ito napunta sa kamay ni Direk Chito.

Inaasahan namang magtatapatan ang Darna: The TV Series ng ABS-CBN at Voltes V: Legacy ng GMA-7 sa susunod na taon.

Ano naman kaya ang mas tatangkilikin ng TV at online viewers?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *