Chito Roño, napiling direktor para sa ‘Darna: The TV Series’ ng ABS-CBN

Kumpirmado nang si Chito S. Roño ang magdidirek ng Darna: The TV Series ni Jane de Leon na kamakailan lang ay nagsukat na rin ng kaniyang costume para sa pinakaaabangang teleserye ng ABS-CBN.

Isa rin sa dahilan kung bakit natagalan ang pagsisimula ng “Darna” series ni Jane ay dahil nga walang makuhang bagong direktor na magpapatuloy sa proyektong nasimulan nina Direk Erik Matti at Direk Jerrold Tarog.

Bukod pa rito ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ang pagpapatigil ng IATF sa taping ng mga programa sa TV at pelikula.

Mtatandaang tumanggi sina Direk Erik at Jerrold sa “Darna” series dahil may iba na silang commitment.

Si Direk Erik ay ginawa ang sequel ng 2013 crime thriller film ng On The Job, ang On The Job: The Missing 8, na nakapag-uwi ng Volvi Cup for Best Actor sa 78th Venice International Film Festival para kay John Arcilla.

Samantalang busy naman si Direk Jerrold sa ikatlong installment ng kaniyang historical films, ang Quezon, na hango sa buhay ng ikalawang Pangulo ng Pilipinas na si Manuel L. Quezon.

Gayunpaman, muli namang nakahanap ang ABS-CBN ng direktor para sa most anticipated TV adaptation ng sikat na Pinay superhero na likha ni Mars Ravelo.

Ang award-winning director na si Chito S. Roño na nakilala sa mga sikat na Filipino horror movies tulad ng Patayin sa Sindak si Barbara (1995), Spirit Warriors (2000), Feng Shui (2004), Sukob (2006), Tenement 2 (2009), Bulong (2011), The Healing (2012), Shake, Rattle & Roll 14 (2012), at The Ghost Bride (2017).

Narito ang buong pahayag ng JRB Creative Production tungkol sa Darna: The TV Series:

“CHITO S. ROÑO, NAKATAKDANG IDIREK ANG DARNA: THE TV SERIES.

“Pangungunahan ng highly-acclaimed box offfice director na si Chito S. Roño ang pinakahihintay na television adaptation ng Pinay superhero sa ‘Darna: The TV Series.’

“Magsisimula na ang taping ng programa sa Nobyembre kasama ang ‘master director’ na si Chito na nasa likod ng mga matagumpay na programa ng ABS-CBN na Imortal, Lastikman, at Spirits at nagbabalik-telebisyon ngayon pagkatapos ng halos isang dekada para sa isa sa pinakamalaking proyekta ng Kapamilya network sa 2022.

“Bitbit niya ang natatanging galing sa visual effects production at pagkukuwentong may kurot sa puso na aabangan sa makabagong adaptation ng karakter na binuo ni Mars Ravelo na ang ika-115 kaarawan ay gugunitain sa darating na Oktubre 9.

“Ang 2013 serye na Maria Mercedes ang huling TV project ni Direk Chito na kinilala rin bilang ‘master of scare’ na gumawa ng blockbuster horror flicks na Feng Shui at The Ghost Bride.

“Nagsilbi rin siyang director ng award-winning drama movies na Dekada ‘70 at Bata Bata Paano Ka Ginawa? Siya rin ang gumawa ng family drama na Signal Rock, na naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category sa 91st Academy Awards.

“Pagbibidahan ng Kapamilya actress na si Jane de Leon ang Darna na magbibigay-buhay sa paboritong Pinay komiks superhero na may natatanging kapangyarihan at kabutihang loob.

“Ang JRB Creative Production ng ABS-CBN ang nakatakdang magprodyus ng Darna: The TV Series.”

Si Julie Anne Benitez ang head ng JRB Creative Productions na under ng ABS-CBN group of companies.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *