Carla Abellana, nagsalita na: ‘I was disrespected, lied to, used, made to look stupid’

Sa gitna ng separation rumors sa kaniyang asawang si Tom Rodriguez, binasag na ng Kapuso actress na si Carla Abellana ang kaniyang katahimikan hinggil sa isyu.

Sa isang YouTube vlog na ipinost ngayong buwan, sinagot ng Kapuso actress ang isang comment ng netizen na sinabing hindi na raw n’ya apat isinapubliko ang kaniyang hinanakit kung ayaw niya ng kahit anong negativity.

“Sana nag-usap na lang kayo, hindi yung hindi mo kinakausap tapos ngayon, may balita nang nag-aasikaso ka ng annulment. Inaamin naman ni Tom na nagkamali siya,” saad ng netizen.

“Sana man lang mag-usap kayo nang maayos ng asawa mo. Kaya siguro nagpost si Tom kasi nagsawa na siya sa kahihintay na kausapin mo siya,” dagdag pa niya. “Sabihin mo sa kanya lahat ng hinanakit mo, hindi yung dine-deadma mo siya.”

Sinagot naman siya ni Carla at sinabing hindi niya kayang itago ang kaniyang hinanakit sa lahat ng oras. “Ang taong lubos na nasaktan, hirap pong pigilang hindi ilabas ang galit sa anumang paraan,” ani Carla.

Sinabi rin niyang hindi sya tinatrato ng maayos. “I was disrespected. I was betrayed. I was lied to. I was used. I was shamed. I was made to look stupid.”

Sinabi rin ni Carla na kung siya lang ay matatanggap niya iyon, pero hindi kapag nadadamay na ang kaniyang pamilya.

“Para gawan pa po ako at ang pamilya ko ng mas marami pang kasamaan at kataksilan sa mga sumunod na araw, linggo, at buwan, sobra sobra na po ang sakit at pagdurog ng puso at pagkatao ko,” aniya.

Sinabi rin ng aktres na wala siyang ginawang masama kay Tom. Binigay niya raw kay Tom ang pagmamahal, respeto, pag-alaga, pagtitiwala, at proteksyon–“lahat-lahat na.” Ayon sa kaniya, matagal na niyang hindi mailabas ang kaniyang nararamdaman.

“Binigay ko po buong buhay ko sa kanya,” aniya.

“[Pitong] taon na po akong bawal magalit, magtampo, masaktan, mabigo, malungkot, madismaya dahil hindi po pwede,” dagdag pa niya.

“Makakatikim po ako kahit subukan ko pong ipaliwanag sa kanya na nasasaktan niya ako at hindi po tama ang ginagawa niya. Paulit-ulit ko pong pinapaalala sa kanya na hindi po ako kalaban at mabuti po ang kalooban at intensyon ko.”

Sinabi ni Carla na itinago niya ang lahat ng ito sa loob ng pitong taon. Sinabi rin niya na kailangan na raw ni Tom ng professional help.

“Tinanggap ko pa rin po siya ng walang pagdududa kahit wala pong pagbabago. Hinarap ko po siya sa altar. Buong puso po akong determinadong alagaan ang pagsasama at pagmamahal namin, at panindigan ang mga sinumpaan namin sa harap ng Diyos,” aniya.

“Sa dami po ng binigay ko kay Tom wala na pong natira sakin. Galit, pride at ego ko siya na rin po ang kumuha sa ‘kin at hinayaan ko naman pong kunin din po niya. Pinaglaban ko po siya ng lagpas sa pitong taon.”

Sinabi rin ni Carla na madali lang maghiganti, pero hindi raw siya ganoong tao at hindi siya “bobo.” Kung ano raw ang nakikita ng mga tao sa TV at online ay kaunti lang iyon sa pinagdaraanan niya sa totoong buhay.

“Hindi po ako masamang tao tulad ng sinasabi, nararamdaman, naririnig at nakikita po ninyo,” aniya. “Pinalaki po ako ng nanay at lola ko na marunong rumespeto, umunawa, magmahal, magpatawad, magpasalamat, magpakumbaba, at higit sa lahat may takot po sa Diyos.”

Nagsimula ang mga haka-hakang hiwalay na ang dalawa nang may makapansin na parang in-unfollow ni Tom si Carla sa Instagram. Lumitaw naman ang pangalan ni Kelley Day, pero agad naman niyang itinanggi na involve siya sa isyu.

Kahit na naka-follow na sila sa isa’t isa sa social media, kapansin-pansin namang hindi na suot ng mag-asawa ang kanilang wedding rings. Hindi rin nag-react ang aktres sa “I love you” comment ni Tom.

Ikinasal si Tom at Carla Oktubre noong nakaraang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *