Bea Alonzo, bagay mag-‘Monica Brava’

Kung mga Telenovela o mga seryeng mula sa Mexico, Colombia, Peru, at Argentina ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang GMA-7 d’yan.

Sa Kapuso Network lang naman ipinalabas ang ilan sa mga sikat na Telenovela tulad ng Yo Soy, Betty La Fea (2001), Samantha, Lucia, Maria la del Barrio, at marami pang iba.

Muli ring napanood ang iba pang Mexicanovela na pinagbidahan ni Thalia sa GMA-7 tulad ng Marimar at Rosalinda.

Sinubukan rin ng GMA-7 na muling buhayin ang pagkahilig ng mga Pinoy sa Telenovela kaya nagpalabas sila ng Lalola, Corazon Indomable, at Lola.

Dahil sa sobrang kasikatan ng ilang mga Telenovela, nagkaroon rin ang mga ito ng Philippine adaptation.

Ang Marimar (2007) na nagpasikat nang husto kay Marian Rivera, ang LaLola (2008) na unang biggest break ni Rhian Ramos, at ang Rosalinda (2009) na nag-launch ng career ni Carla Abellana.

Kung may isang Telenovela noon na labis ang kasikatan pero hindi pa nagagawan ng Pinoy adaptation, ito ay ang Monica Brava na pinagbidahan ng Argentinian singer-actress na si Natalia Oreiro.

Ilang beses na ring naging usap-usapan sa internet ang kagustuhan ng fans na magkaroon ito ng remake.

Simula pa lang na umere ang Marimar, ito na ang madalas inihihirit ng Kapuso fans. Ilang pangalan na rin ang na-rumor na gaganap bilang Milagros, kabilang na sina Rhian Ramos, Marian Rivera, Carla Abellana, Yassi Pressman, at Megan Young.

Pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutupad ang kahilingan ng fans.

Sa paglipat ni Bea Alonzo sa Kapuso Network, may inanunsyong gagawing “big project” ang aktres sa primetime.

Ang nais raw gawin ni Bea ay katulad ng Mulawin at My Husband’s Lover na parehong challenging para sa kaniya.

Matatandaan na bago lumipat si Bea sa GMA-7, nakatakda sana siyang bumida sa Kahit Minsan Lang kung saan gaganap siyang tomboy na pag-aagawan ng mga lalaki. Sa kasamaang palad, hindi natuloy ang pagpapalabas ng teleserye dahil kinansela ito ng ABS-CBN management dahil sa pandemya.

Kung mapapansin, parang may pagkakapareho ang kuwento nito sa Monica Brava base sa teaser.

Ito na ba ang panahon para magkaroon na ng Pinoy adaptation ang sikat na Argentinian Telenovela?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *