Award-winning K-Drama na ‘The Romantic Doctor 2,’ mapanood sa GMA!

Magbabalik na sa Philippine television ang acclaimed South Korean actor na si Han Suk-Kyu bilang si Master Kim sa The Romantic Doctor 2.

Bida rin sa K-Drama series ang South Korean actors na sina Ahn Hyo-Seop at Lee Sung-Kyung.

Ang The Romantic Doctor 2 ay sequel ng seryeng The Romantic Doctor na ipinalabas rin sa GMA-7 noong 2017.

Tampok sa serye ang panibagong pakikipagsapalaran ng nag-iisang surgeon sa South Korea na nakatanggap ng triple-board certification sa general surgery, cardiothoracic surgery, at neurosurgery na si Dr. Daniel Boo o mas kilala sa tawag na Master Kim.

Dahil nangangailangan ng general surgeon ang kaniyang pinagtatrabahuhan niyang ospital na Doldam Hospital, nagtungo siya sa Geosan University Hospital sa Seoul para mag-recruit ng medical experts.

Sa ospital na iyon makikilala ang general surgeon na si Dr. Wesley Seo (Ahn Hyo-Seop) at ang cardiac surgeon na si Emily Cha (Lee Sung-Kyung) at sila ang napili para lumipat sa Doldam Hospital sa Gangwon Province.

May itinatagong hindi magandang nakaraan si Wesley, dahilan para hindi niya pakitunguhan nang maayos ang kaniyang mga katrabahong doktor, pero nakitaan siya ng malaking potensiyal ni Master Kim.

Si Emily naman ay nasuspinde sa trabaho dahil sa mga kamalian at pagkukulang niya habang nasa gitna ng operasyon kaya wala siyang choice kundi ang sumama kina Master Kim at Wesley sa Doldam Hospital.

Ang The Romantic Doctor 2 ay nakatanggap ng mga parangal mula sa ilang award-giving bodies, kabilang na ang 2020 Art Awards kung saan nasungkit ng programa ang Best Viewership Ratings. Natanggap naman ni Ahn Hyo-Seop ang Excellence Award for an Actor in a Miniseries, samantalang nakuha naman ni Lee Sung-Kyung ang Excellence Award for an Actress in a Miniseries sa SBS Drama Awards. Itinanghal din bilang Best New Actor (TV) si Ahn Hyo-Seop sa 56th Baeksang Arts Awards. Wagi rin sina Ahn Hyo-Seop at Lee Sung-Kyung sa Asia Artist Awards 2020 bilang AAA Best Actor at AAA Best Actress, respectively.

Tunghayan ang nakakantig-damdaming Korean drama na The Romantic Doctor 2 na handong ng GMA Heart of Asia. Malapit na itong mapanood sa GMA-7.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *