‘Through Night and Day’ mas maganda sa ‘Kita Kita’

Masasabi naming isa sa pinakamagandang Filipino movie ngayong taon ang “Through Night and Day”. Konsepto ito mismo ni Alessandra De Rossi na s’ya ring bida sa pelikula.

Ipinalabas sa mga sinehan noong November 14 ang “Through Night and Day” pero hanggang ngayon ay nanatili pa rin ang epekto sa aming mga puso dahil sa pelikulang ito.

Nagsimula ang kwento sa Baguio kung saan nakatira sina Jennifer (Alessandra De Rossi) at Ben (Paolo Contis) na childhood sweethearts at magka-relasyon sa loob ng 13 taon.

Nag-propose ng kasal si Ben kay Jennifer at bilang regalo, lilipad sila papuntang Iceland na gustung-gustong puntahan ni Jennifer.

Balak ni Jennifer na doon sila gumawa ng Pre-Nup video.

Masusubok ang tatag ng kanilang relasyon dahil sa kanilang mga pagdadaanan at mapupuntahan. Hanggang saan ba nila kayang magsakripisyo para sa isa’t-isa?

Script

Ang konsepto ng “Through Night and Day” ay sinimulang isulat ni Alessandra subalit dahil sa kakulangan sa oras ay nagpatulong s’ya sa kanyang kaibigan na si Noreen Capili.

Lumipad pa s’ya papuntang Iceland para gawin ang kwento pero dahil sa ginagawa n’ya pa ang teleseryeng “Since I Found You” ay nawalan s’ya ng panahon para tapusin ang script.

Ayon sa panayam ng Inquirer kay Alessandra, “When I went there, it was snowing so hard, and everything was just white. And at the time, I was also doing a television series (“Since I Found You”), and I was taping every other day. I could only manage about 10 sequences.”

Cinematography and Direction

Ang premyadong director na si Veronica B. Velasco (Inang Yaya, Dear Other Self) ang nag-direk ng pelikula. Talaga namang naipakita sa palabas ang ganda ng Baguio at ng Iceland.

Banayad at tamang-tama ang timing ng palabas pagdating sa comedy ngunit pagdating naman sa mga mada-dramang eksena ay talaga namang dudurugin ang puso ng manonood.

Conclusion

Sa dami ng mga napanood naming pelikula ngayong taon, mapa-International o Local man, masasabi naming isa ito sa pinaka-tumatak sa amin.

Wala kaming ibang masasabi sa pag-arte ni Alessandra dahil napakahusay n’ya. Para s’yang Meryl Streep in the making sa Local Film industry. Kayang-kaya n’yang gampanan ang kahit anong role na ibigay sa kan’ya mapa-bida man o kontrabida.

Ang maganda kay Alessandra ay marunong s’yang mamili ng palabas. Hindi lang s’ya basta kumita kundi para ipamalas ang kaniyang galing sa larangan ng pag-arte sa pelikula.

Si Paolo Contis naman ay hindi nagpahuli kay Alessandra. Litaw na litaw ang kanyang husay sa pagganap sa karakter na si Ben.

Binigay din ni Paolo ang kanyang galing sa pagpapatawa na nahasa sa gag show na “Bubble Gang”.

Nahahati sa dalawang bahagi ang pelikula. Ang unang bahagi ay patatawanin at iinisin ka. Samantalang ang ikalawang bahagi naman ay papaluhain ka.

Sobrang bigat ng ikalawang bahagi ng pelikula. Mula simula nito hanggang sa pagtatapos ng palabas ay talagang bubuhos ang luha ng manonood kaya payo lang sa mga gustong sumubok, magdala na kayo ng pamunas nyo ng luha.

Palabas pa rin sa mga piling sinehan ang “Through Night and Day”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *