Boy Abunda, nililigawan ng GMA-7; magiging Kapuso na ngayong taon?

Patuloy na pinalalakas ni Felipe Gozon ang star power ng GMA Network, sa kabila ng pagiging dominant media company sa bansa.

Ayon sa isang source, desidido ang network na makuha ang isa sa mga pinakamalalaking talent ng ABS-CBN, ang celebrity host na si Boy Abunda.

Ayon sa source, matapos ang dalawang taong pananatili ay inaasahang tuluyan nang lilisanin ni Abunda ang ABS-CBN sa pagtatapos ng taong ito.

“He (Abunda) misses free TV and there is nothing ABS-CBN can offer him,” ayon sa impormante.

Dati nang nagtrabaho si Abunda sa GMA Network bago siya naging Kapamilya sa loob ng 23 taon.

Mula nang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 2020 ay wala nang palabas sa free TV ang magaling na TV host.

Ibinasura naman ng Kongreso ang application ng ABS-CBN para sa isang bagong prangkisa makalipas ang ilang buwan.

Sa kasagsagan ng Eleksyon 2022, nagsagawa siya ng mga panayam sa mga presidential aspirants sa kaniyang YouTube channel na “The Boy Abunda Talk Channel” na napanood rin sa Kapamilya Channel (via cable TV).

Matagal nang napapabalitang target si Abunda hindi lamang ng GMA-7, kundi maging ng isa pa nitong karibal sa free TV, ang TV5 na pag-aari ni Manny V. Pangilinan.

Noong Septermber 2021, kinumpirma ni Abunda ang mga negosasyong ito.

“I have been in discussions with various parties, including people who are affiliated with 7. I’ve been offered by other channels. I’ve been asked by people affiliated with TV5. I’ve been negotiating with other producers to do talk shows… But I’m still waiting for ABS-CBN to have free TV,” pahayag ng TV host.

Lalong naging mahirap para sa ABS-CBN na makabalik sa free TV matapos igawad ng National Telecommunications Commission (NTC) ang dati nitong ginagamit na mga frequency sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni Manny Villar (Channel 2), Swara Sug Media ni Pastor Apollo Quiboloy (Channel 43 / formerly ABS-CBN TVPlus), at Aliw Broadcasting ng Cabangon-Chua family (Channel 23).

Ngayong wala nang prangkisa at digital frequencies na inaasahan ang Kapamilya Network, ang tanging pag-asa na lang nila ay bumili o makipag-merge sa ibang network na may prangkisa at frequency.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *