ABS-CBN, mataas pa rin ang net loss sa Q2 ng 2021

Sa kabila ng pagbabawas ng empleyado at pagtitipid, mataas pa rin ang net loss ng ABS-CBN Corporation ayon sa financial report na kanilang isinumite sa Philippine Stock Exchange (PSE) ngayong Lunes, August 16.

Sa unang kalahati ng taon, umabot na sa P3.4 billion ang net loss ng ABS-CBN, pero mas mababa na ito kumpara sa P3.9 billion net loss noong nakaraang taon.

Ang net loss naman para sa second quarter na nagtapos nitong Hunyo ay umabot sa P1.44 billion, bahagyang mas mababa na ito kumpara sa naitalang P1.94 billion net loss noong Q1.

Umabot naman sa P8.2 billion ang consolidated revenue ng ABS-CBN mula January hanggang June, mas mababa ng 38.7 percent kumpara sa P13.3 billion na kinita noong January hanggang June noong nakaraang taon.

Bumaba rin ang advertising revenues ng 57.1 percent na “attributable to the absence of the company in the free-to-air advertising space following the cease-and-desist order issued by NTC on May 5, 2020.”

Sa kabila ng kawalan ng prangkisa, patuloy pa rin ang ABS-CBN sa pagprodyus ng mga programa at humahanap ng paraan upang maabot ang mas maraming pamilyang Pilipino.

Noong June 2020, inilunsad nila ang Kapamilya Channel sa cable TV habang ang digital streaming channel na Kapamilya Online Live ay inilunsad naman noong August 2020.

Pumasok rin sa blocktiming deal ang ABS-CBN ka-partner ang Zoe Broadcasting noong October 6, 2020.

“Launching these platforms allowed the Company to generate P1.63 billion in advertising revenues during the 1st half of 2021,” nakasaad sa kanilang disclosure.

Samantala, umabot na sa P1.8 billion ang nagagastos para sa Capital expenditures at program rights acquisition as of June 30, ayon sa network.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *