Sen. Grace Poe, may nalabag sa Konstitusyon?

Tila nalalagay ngayon si Sen. Grace Poe sa alanganin matapos n’yang magpatawag ng hearing sa Senate Committee on Public Service noong Lunes.

Ang nasabing senate hearing ay nagmistulang isang propaganda para sa ABS-CBN Corporation sa kagustuhan nitong ma-renew ang prangkisa nito na mag-eexpire na sa May 4.

Naisip ba ng senador na mangmang ang mga Pinoy para hindi maungkat ang koneksyon n’ya sa ABS-CBN, at ang pangunahing pinagkakakitaan nila ay ang network?

Alam naman ng lahat na ang kanyang nanay na si Susan Roces at s’ya mismo ay kumita at patuloy na kumikita ng limpak-limpak na salapi sa operasyon ng ABS-CBN.

Ang nanay n’ya ang isa sa pangunahing tauhan (Flora “Lola Kap”) sa longest running television series ng ABS-CBN na Ang Probinsyano, na meron nang 1,136 episodes sa kasalukuyan.

Ipagpalagay nating nakakakuha si Susan Roces ng P200,000 per episode, nangangahulugan ito na kumita na s’ya ng mahigit P230 million mula sa ABS-CBN production. Fair estimate na ‘yun dahil ang lead actor nito na si Coco Martin ay naging bilyonaryo na dahil sa kita n’ya sa Ang Probinsyano.

Ang Probinsyano

Hango sa pelikula ng kanyang amang si Fernando Poe Jr ang Ang Probinsyano.

Malabo namang hindi nakakakuha si Susan at ang kanyang pamilya ng royalties mula sa ABS-CBN sa pagsasalin sa telebisyon ng pelikula ng yumaong hari ng Pelikulang Pilipino.

Isa si Grace Poe sa mga major stockholder ng FPJ Productions, kung saan ang mga pelikula ni FPJ ay exclusive na ipinapalabas sa ABS-CBN, una noong 2013 at na-renew noong 2018.

Naglalaman ang kontrata ng kasunduan na tuwing may pelikula ni FPJ na ipapalabas sa loob at labas ng bansa, makatatanggap ng royalties ang FPJ Productions.

Pero sakali mang magsara ang ABS-CBN dahil hindi na ito makakuha ng prangkisa, malamang ay wala nang makukuha si Grace Poe at ang kanyang pamilya.

Sa panayam kay Poe sa isang talk show sa ABS-CBN, sinabi ni Poe na, “The business relationship of my family with ABS-CBN is no secret.”

Ang nakakagulat lang ay hindi n’ya nakikitang isa itong conflict of interest matapos n’yang magpatawag ng hearing para sa ABS-CBN. Sinabi nyang s’ya ang chairman ng Committee on Public Services at s’ya ay isa lamang sa 24 na mga senador.

Hindi n’ya rin binanggit na s’ya ang nagpatawag ng hearing ng kanyang committee gayong hindi naman ito saklaw ng awtoridad nito, at labag din sa konstitusyon, dahil hindi pa ito pumapasa sa House of Representatives.

Siguradong alam to ni Poe, pero nagpatawag pa rin s’ya ng hearing para magbigay daan sa propaganda ng ABS-CBN para mas mapabilis ang renewal ng kanilang prangkisa.

Malamang ay wala nang paki si Poe kung tawagin s’yang walang delikadesa dahil kung meron, hindi na dapat s’ya na-involve sa nasabing hearing.

Meron namang apat na vice chairman ang kanyang komite: si Ping Lacson, Bong Revilla, Manny Pacquiao, at Sherwin Gatchalian. Dalawa rito ang walang conflict of interest sa issue ng ABS-CBN. Dapat ay ipinasa na lang n’ya sa iba ang pagiging chairman para lang sa hearing na ‘yun.

Paglabag sa Konstitusyon

Ayon kay Trixie Cruz-Angeles na isang lawyer, malinaw na lumabag si Grace Poe sa Article VI, Section 14 ng 1987 Constitution.

Nakasaad sa saligang batas na “No Senator or Member of the House of Representatives may personally appear as counsel before any court of justice or before the Electoral Tribunals, or quasi-judicial and other administrative bodies.”

Maaari rin daw managot si Poe sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kung saan nakasaad sa Section 3(h) na ang government official na may direkta o hindi direktang “financial or pecuniary interest in any business, contract or transaction in connection with which he intervenes or takes part in his official capacity” ay masasabing isang corrupt practice.

Malinaw na nangialam si Poe sa proseso ng isang kumpanya na kumukuha ng franchise law. Ginamit n’ya pa ang kanyang komite para magkaroon ng hearing na obvious namang propaganda lang ng ABS-CBN.

Disclaimer: Ang article na ito ay isinalin sa Tagalog mula sa article ng pahayagang The Manila Times upang mas maintindihan ng mga mambabasa.

Source: Poe’s family made and will continue to make, money from ABS-CBN

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *